Natapos na ang automated raffle ng Commission on Elections (Comelec) para matukoy ang pagkakasunud-sunod ng mga party-list group sa official ballot na gagamitin sa eleksiyon sa Mayo 9, 2016.
Gayunman, maaari pang mabago ang naturang order of listing dahil marami pang apela ng mga party-list group na initsapuwera ng poll body at hanggang kamakalawa ay dinidinig pa rin ang kanilang inihaing motion for reconsideration.
Ayon kay Comelec Commissioner Christian Robert Lim, pipilitin ng ahensiya na madesisyunan ng Comelec en banc ang mga naturang apela bago sila mag-Christmas break.
Sakali aniyang tuluyang mabasura ang aplikasyon ng mga party-list group na makalahok sa eleksiyon, magkakaroon ng pagbabago sa sequencing, dahil pupunuan ang mga mababakanteng numero.
Nabatid na nasa 84 na grupo na ibinasura ang aplikasyon ang may nakahaing motion for reconsideration sa poll body.
Isinama pa rin sa automated raffle ang pangalan ng mga ito, gayundin ang 101 party-list group na una nang binigyan ng Comelec ng go-signal upang makalahok sa halalan.
Kaugnay nito, pinayuhan ng Comelec ang mga party-list group na huwag munang magpapa-imprenta ng mga campaign material at hintayin na munang maging pinal ang sequencing ng mga party list. (Mary Ann Santiago)