Pumalpak ang tatlong hindi kilalang armadong suspek sa pagdukot sa isang 67-anyos na negosyante at driver nito makaraang mapansin ng security personnel ni Vice President Jejomar Binay ang komosyon sa loob ng kotse ng biktima sa Pasay City, kahapon ng umaga.

Nakalabas na sa Manila Adventist Medical Center si Oscar Sy Cu, businessman, at residente ng Malate sa Maynila matapos malapatan ng lunas ang sugat na tinamo niya sa ulo at katawan.

Nagsasagawa ng imbestigasyon at follow-up operation ang mga tauhan ng Pasay City Police laban sa mga tumakas na suspek matapos ang insidente.

Sa ulat na tinanggap ni Pasay Police Chief Senior Supt. Joel Doria, dakong 10:00 ng umaga at sakay sa Honda City ang negosyante at driver nitong si Jaime Tuanquin, Jr. sa Atang dela Rama Street nang biglang banggain ang kanang bahagi ng kanilang sasakyan ng Hyundai Tucson (TQQ-897) na kinalululanan ng tatlong suspek.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Napilitang bumaba ng sasakyan ang biktima at driver nito upang tingnan ang sira sa kanilang sasakyan hanggang lumabas ang mga armadong suspek sa Hyundai Tucson at inutusan ang mag-amo na pumasok sa loob ng Honda City.

Tinangkang tumakbo ng biktima ngunit agad siyang nakorner ng mga suspek, nagpumiglas ang negosyante kaya galit na pinukpok ng mga suspek ng baril ang ulo nito bago bumagsak sa semento at kinaladkad papasok sa Honda City.

Nagawang makatakas ni Tuanquin nang mabuksan niya ang likurang pintuan ng kotse.

Napansin ng security personnel ni Binay ang komosyon at lumapit sa Honda City, kaya nataranta ang mga kidnapper at pinaharurot ang City tangay ang negosyante.

Inabandona ng mga suspek si Cu sa loob ng Honda City sa Bucaneg Street, malapit sa Folk Arts Theater, sa Pasay City, ayon sa pulisya. (Bella Gamotea)