Inabsuwelto ng Sandiganbayan si Taguig City Mayor Laarni Cayetano sa kasong kriminal kaugnay ng pagkandado ng alkalde sa legislative hall kaya hindi nakapagdaos ng sesyon ang konseho.

Ibinasura rin ng anti-graft court ang kahalintulad na kaso na inihain ng Office of the Ombudsman laban kay acting City Administrator Jose Montales.

Sina Cayetano at Montales ay kinasuhan sa paglabag sa Article 143 ng Revised Penal Code, isang pagkakasala na gumamit ng dahas ang isang tao upang hadlangan ang pagpupulong ng isang lokal na lupon ng lehislatibo.

Ang kaso ay inihain ng mga miyembro ng konseho na kinatawan ni Vice Mayor George Elias, presiding officer ng Sangguniang Panlungsod.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Inakusahan ni Elias at ng mga miyembro ng konseho sina Cayetano at Montales ng ilang araw na ilegal na pagkandado sa session hall simula noong Agosto 16, 2010.

Iginiit ng grupo ni Elias na ang naturang hakbangin ay may “kulay pulitika” dahil karamihan sa kanila ay mula sa kalabang partido pulitikal sa Taguig City.

Sinabi ng Ombudsman na napuwersang magsagawa ng sesyon ang mga miyembro ng konseho sa hagdan ng city hall at sa iba pang lugar ng halos 14 na beses.

Sa kanilang panig, hiniling nina Cayetano at Montales na magsagawa ng panibagong imbestigasyon sa kaso dahil ang pansamantalang pagsasara sa legislative hall ay bunsod umano ng konstruksiyon ng gusali na ipinatutupad ng pamahalaang siyudad.

Ayon pa sa dalawang akusado, ipinaalam nila sa mga complainant ang tungkol sa pagsasara ng silid bago nila ikinandado ang session hall noong Agosto 16.

“The gravamen of Article 143 is the prevention of the meeting of the Assembly and similar bodies such as the Sangguniang Panlungsod (SP), by force or fraud… The complainants of the SP were not prevented by the accused, either by force or fraud, to conduct its session on the date material to this case,” nakasaad sa desisyon ng Sandiganbayan.

“Even at this stage, it is clear to the Court that the prosecution’s evidence fails to make out a probable cause against the accused,” ayon pa sa anti-graft court. (Ben Rosario)