BATANGAS - Nasa 591 pasahero ang huling naitalang na-stranded sa Batangas Port dahil sa pagkansela ng mga biyahe ng barko dulot ng bagyong ‘Nona’.

Dahil nakataas sa Signal No.2 ang lalawigan, paralisado ang biyahe ng mga barko, bus at mga cargo truck na tatawid ng dagat patungo sa iba’t ibang lugar sa Region IV-B, Visayas, at Mindanao.

Sa huling datos mula kay Senior Supt. Arcadio Ronquillo, Jr., director ng Batangas Police Provincial Office, nasa 91 sasakyan ang stranded sa pantala, batay sa huling update dakong 11:00 ng umaga kahapon.

Noong Lunes, sa pulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), inalam ni Governor Vilma Santos-Recto ang mga paghahandang ginagawa ng bawat ahensiya sa lalawigan para sa seguridad ng mga tao laban sa bagyo.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

May nakahandang 1,500 food pack para sa mga evacuee, sakaling manalasa ang bagyo, partikular sa coastal areas.

Siniguro naman ni Malou Marasigan, ng National Food Authority (NFA), na sapat ang bigas sa lalawigan hanggang 30 araw.

Hinikayat din ni Marasigan ang mga lokal na pamahalaan na magsumite ng Memorandum of Agreement sa kanilang tanggapan para magkaroon ng rice credit sa panahon ng kalamidad.

Ilan sa mga bayang nasa monitoring ng Batangas na madalas bahain ay ang Calatagan, Lian, Nasugbu, Tuy, Balayan, Laurel, Bauan, Ibaan, at Mabini.

Ayon kay Lito Castro, PDRRMC director, ang mga nabanggit na bayan ay nakaranas na ng matinding baha sa nakalipas na mga bagyo.

Nagbigay naman ng mga numero (723-3027, 740-0768, at 740-2356) si Ronald Generoso, ng Red Cross Batangas, na maaaring tawagan ng mga mangangailangan ng responde. (LYKA MANALO)