Nag-uwi si National coach Alvin Parvinfar ng dalawang ginto habang may isang ginto at isang tanso si KC Santiago upang pamunuan ang mga national karatekas sa pag-uwi ng anim na medalya sa ginanap na Turkey International Open sa Istanbul, kumakailan.

Si Parvinfar, na siyang Karatedo foreign coach mula sa Iran subalit inirepresenta ang Pilipinas sa torneo, ay nagawang magwagi sa individual kumite habang si Santiago ay nagwagi naman ng ginto sa individual kata at tanso sa individual kumite.

“I myself was surprised to win because I have not competed for 33 years,” sabi ni Parvinfar sa pagdalo sa lingguhan na Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Shakey’s Malate kasama si Philippine Karatedo Federation secretary general Raymond Lee Reyes at iba pang miyembro ng koponan na nagwagi ng tanso sa team event.

Iniuwi naman nina John Paul Bejar, Carmelo Patricio Jr., Eugene Dagohoy at Rexor Romaquin ang tanso sa Team event ng Kata habang may tanso pa si Romaquin sa individual kata.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Unang sumabak ang national karatekas sa isinagawang 27 araw na training camp sa Turkey bago lumahok sa torneo na sinalihan ng 21 bansa.

“Actually, the training camp is part of our exposure for our national athletes for the coming international tournament,” sabi ni Reyes. “We also bring our young athletes for them to see and compete against the best para mas maging matitibay sila pagdating ng time nila na mag-compete,”sabi pa ni Reyes.

Nakatuon ang Karatedo sa paglahok nito sa 2017 SEA Games na gaganapin sa Malaysia gayundin sa posibilidad na pagsasagawa ng mga qualifying event sakaling makasama ang sports sa mga regular na paglalabanan na event para sa 2020 Tokyo Olympics. (Angie Oredo)