Maaaring bawiin na o luluwagan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang pagbabawal sa pagpapadala ng overseas Filipino workers (OFW) sa Guinea kasunod ng pagbuti sa sitwasyon ng sakit na Ebola sa nabanggit na bansa.
Ayon kay POEA Administrator Hans Leo Cacdac, nananatili ang deployment ban ng ahensiya ngunit naniniwala siya na ito ay pansamantala lamang. Sa katunayan ay naghihintay na lamang ang POEA ng rekomendasyon mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Health (DoH) para alisin ang ban.
Ibinaba ng POEA noong Disyembre 2014, ang total deployment ban sa mga OFW patungong Guinea, Liberia, at Sierra Leone dahil sa epidemya ng Ebola.
Kamakailan, hiniling ng pro-OFW non-government organization na Blas Ople Policy Center na ikonsidera ng pamahalaan ang pag-alis ng deployment ban sa Guinea dahil na rin sa apela ng mga OFW doon. (Mina Navarro)