Hindi na makasasama ng University of Perpetual Help System-Dalta ang premyadong coach na si Aric Del Rosario.

Ito ay matapos magdesisyon ang Perpetual Help na magkaroon ng three-man coaching staff na binubuo ng school owner na si Antonio Tamayo, ang abogado na si Barry Neil Tobias at dating manlalaro na si Nic Omorogbe, upang hawakan ang patuloy na naghahanap sa una nitong titulo na men’s basketball team.

Sinabi kahapon ni Jeff Tamayo, ang athletic director ng Las Pinas-based na Altas at representante nito sa NCAA Management Committee, na ang tatlo ay iniluklok sa kani-kanilang posisyon at agad na sisimulan ang pag-eesanyo ng koponan.

“They will start preparation as soon as possible,” sabi ni Tamayo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Si Antonio Tamayo ay naglaro at naging kakampi ni dating Perpetual coach Aric del Rosario sa University of Santo Tomas (UST)- Tigercubs at dating presidente ng soft tennis association bago naging pinuno ng UPHSD.

Si Tobias ay nag-aral naman sa La Salle subalit nagtapos ng abogasya sa Perpetual Help habang si Omorogbe ay naglaro para sa Altas na tinulungan nito makatuntong sa Final Four noong 2012 at 2013.

Ang pagkakapili sa tatlo ay nag-iwan na lamang sa 2015 champion na Letran na natatanging kolehiyo na walang head coach matapos na ang dati nitong coach na si Aldin Ayo ay umalis upang gampanan, ang responsibilidad bilang coach para sa La Salle Archers sa UAAP.

Una nang iniulat na si Kerby Raymundo, na tinulungan ang kolehiyo na magwagi sa korona noong 1998 at 1999, ang minamataan upang pumalit kay Ayo bagama’t wala pang opisyal na pahayag ang pamunuan ng Knights. (Angie Oredo)