Apat na lalawigan ang nawalan ng supply ng kuryente at naputulan ng linya ng komunikasyon matapos hagupitin ng bagyong ‘Nona’ ang maraming lugar sa Bicol at Eastern Visayas sa nakalipas na dalawang araw.

Sinabi ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na hanggang 11:00 ng umaga kahapon ay wala pa ring supply ng kuryente ang malaking bahagi ng Albay, Eastern Samar, Northern Samar, at Sorsogon matapos pabagsakin ng malakas na hangin at matinding ulan ang mga poste ng kuryente.

Ilan sa mga lalawigan ang wala nang kuryente simula nitong Lunes nang tumama sa lupa ang bagyo.

Sa Albay, naputol din ang serbisyo ng kuryente sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, Jovellar, Ligao, Pioduran, Oas, Polangui at Libon.

National

Ex-Pres. Duterte, ikakampanya si Quiboloy: 'Marami siyang alam sa buhay!'

Sa Eastern Samar, ang mga lugar na walang kuryente ay Sulat, Taft, Can-Avid, Dolores, Oras, San Policarpio, Arteche, Jipapad, Maslog, Boronga, Balangkayan, San Julian, Maydolong, Llorente, Salcedo, Guiuan, MacArthur, Hernani, Quinapundan, Giporlos, Balangiga, at Lawaan.

Ipinaliwanag din ng NGCP na kusa nitong pinutol ang serbisyo ng kuryente sa ilang lugar bilang bahagi ng preventive measure na ipinatutupad ng ahensiya tuwing may kalamidad.

Kinumpirma naman kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na may tatlong nasawi sa pananalasa ng bagyo, at ang mga ito ay pawang nagmula sa Catarman, Northern Samar.

Sinabi ni Jonathan Baldo, municipal disaster officer ng Catarman, na isa ang namatay sa hypothermia o matinding lamig, habang ang dalawang iba pa ay nalunod sa baha.

Samantala, nakarating na sa Catarman ang Philippine Red Cross, at sinisikap din ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maiparating ang relief goods sa mga taga-Northern Samar kahit pahirapan ang transportasyon.

Nag-landfall na ang bagyong Nona sa Mindoro, dakong 10:30 ng umaga.

Sinabi ni Aldczar Aurelio, weather forecaster ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na taglay ng Nona ang lakas ng hangin na nasa 140 kilometro kada oras.

Humina, aniya, ang bagyo dahil sa mga bundok na dinaanan nito sa Mindoro. (BETH CAMIA, ROMMEL TABBAD, at ng PNA)