SA unang bahagi ng awiting pamasko na “Simbang Gabi” ni National Artist Maestro Lucio San Pedro ay ganito ang lyrics: “Simbang Gabi, Simbang Gabi, ay simula ng Pasko. Sa puso ng lahing Pilipino. Siyam na gabing kami’y gumigising, sa tugtog ng kampanang walang tigil.”
Katulad ng binabanggit sa awitin ng Rizalenyong National Artist, bukas ng madaling-araw, ika-16 ng Disyembre ay simula na ng Simbang Gabi sa iniibig nating Pilipinas. Ihuhudyat ng Simbang Gabi ang malakas at masayang repeke o kalembang ng mga kampana sa mga simbahan. Simula na ito ng Christmas season sa ating bansa. Bilang bahagi ng kaugalian at tradisyong Pilipino, maaga pa ay marami na ang gigising nang maaga upang dumalo sa “Misa de Gallo” sa mga simbahan.
Ang Simbang Gabi ay siyam na madaling-araw na sunud-sunod na pagsisimba bilang pasasalamat at paghahanda sa pagsilang ni Hesukristo, na ipinadala sa lupa ng Diyos Ama upang at tumubos sa sala ng sangkatauhan.
Ang Simbang Gabi ay sinasabing nagsimula noong ika-18 siglo at isang kaugaliang dinala sa iniibig nating Pilipinas ng mga misyonerong Kastila. Ang diwa nito ay magpasalamat sa masaganang ani at maghanda sa pagsilang ng Dakilang Mananakop. Nang dumating ang mga misyonerong Kastila, tinuruan nila ng kaalaman sa misa at nobena ang mga katutubo (Pilipino). Ngunit hindi naman sila makadalo sa misa kung umaga sapagkat maaga pa’y nagtutungo na sa bukid upang magtrabaho at mag-ani ng kanilang mga pananim. Dahil dito, ginawa ang misa sa madaling-araw kasabay ng tilaok ng manok (gallo sa Kastila). Dito nagsimula ang nobena at Misa de Gallo.
Ang Simbang Gabi ay may kaugnay na kaugalian sa iba’t ibang dako ng bansa. Sa Rizal, partikular sa Angono, ay may banda ng musiko na lumilibot sa bayan upang gisingin ang mga tao at makapaghanda sa pagdalo sa misa. Sa iba’t ibang bayan sa bansa, may nagluluto ng puto bumbong, bibingka, suman at mainit na tsaa na may kahalong dahon ng Pandan, na kinakain ng mga tao matapos magsimba.
Ang matapat na pagdalo at pakikinig sa siyam na araw ng Misa de Gallo ay nagpapaabot ng pasasalamat sa natanggap na mga biyaya, sa pagkakaligtas sa sakuna o sakit, ng mga naghahanap ng ginhawa at saklolo sa panahon ng kapahamakan at kagipitan, gayundin ang paghingi ng tulong na magkatrabaho, makapasa sa board at makapag-asawa.
Sa iba, ang Simbang Gabi ay hinihintay ng mga binata sapagkat nagkakaroon sila ng pagkakataon na makausap at masabayan sa pagsisimba ang nililigawan. Kung minsan, ang Simbang Gabi’y natatapos sa kanilang pagtatanan.
At sa tradisyong Pilipino, ang Simbang Gabi ay simula na rin ng pagbibigay ng aguinaldo sa mga kaibigan, mga magulang, kapatid at iba pang mahal sa buhay at pinagkakautangan ng loob. (CLEMEN BAUTISTA)