Hindi pabor ang presidential aspirant na si Senator Grace Poe na madiskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) si Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang kandidato sa pagkapangulo sa 2016.

Sa isang pulong balitaan kasunod ng misa para sa ika-11 anibersaryo ng pagkamatay ng kanyang amang si Fernando Poe Jr., sinabi ng senadora na ayaw niyang danasin ni Duterte ang ginawang pagdiskuwalipika sa kanya ng dalawang dibisyon ng Comelec dahil sa isyu ng residency.  

“Ang dasal ko ay huwag siyang ma-disqualify. Ang dasal ko ay mabigyan siya ng pagkakataon na tumakbo kasi ‘yun naman ang ipinaglalaban natin—manalo man siya o matalo,” aniya. “Hindi lang dahil dasal ko ‘yan sa sarili ko, nakita ko na pinagdaanan ‘yan ng tatay (FPJ) ko rin.”

Katulad ni Poe, nahaharap rin sa diskuwalipikasyon si Duterte dahil sa kuwestiyon kung balido ba ang paghalili ng alkalde kay Martin Diño bilang standard bearer ng PDP-Laban.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nagpulong kahapon ang mga miyembro ng Comelec en banc para talakayin ang ilang isyung kailangan nilang resolbahin, pangunahin dito ang disqualification cases nina Poe at Duterte.

Tiniyak naman ni Poe na tulad nang madalas na sabihin ng kanyang ama, ilalaban niya ang disqualification cases laban sa kanya hanggang sa mapatunayang kuwalipikado siya upang tumakbo sa presidential race. (Mary Ann Santiago)