Nadiskubre ng Commission on Audit (CoA) ang paglabag umano ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa procurement at tax law sa paglipat ng tanggapan nito at operasyon ng small town lottery.

Sa inilabas na 2014 Annual Audit Report sa PCSO, inakusahan ng CoA ang charity agency ng hindi tamang alokasyon ng P805 milyon sa kinumpiskang lottery prize na sana’y aani ng malaking interes sa savings account.

Sinabi ng state auditor na posibleng malaking halaga ang nasayang sa karagdagang pondo sa health at medical services para sa mga benepisyaryo sa hindi tamang paggamit ng nakumpiskang lottery prize at maling paglalaan ng salapi sa paglipat ng tanggapan.

“The inadequacy of PCSO’s preparation for the relocation of its Head Office upon the expiration of the lease contract with PICC Inc. resulted in the inappropriate application of the Negotiated Procurement for the subsequent lease of the Sun Plaza Shaw Boulevard Property,” pahayag ng CoA.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Tumugma ang obserbasyon ng CoA sa protesta ng mga empleyado ng PCSO laban sa paglilipat ng tanggapan ng ahensiya sa Sun Plaza sa Mandaluyong City mula sa PICC complex sa Pasay City, habang iginigiit na may iregularidad sa lease contract.

Iginiit ng PCSO management na mahalagang mailipat agad ang kanilang tanggapan noong 2014 dahil kung hindi ito maisakakatuparan ay maaapektuhan ang daily lotto draw at iba pang gawain ng ahensiya.

“However, audit team determined that the agency’s overall planning with regards to the relocation of its head office upon expiration of PICC contract was inadequate to substantially satisfy the requirements of existing government procurement laws,” tugon ng CoA.

Kinuwestiyon din ng mga state auditor ang kabiguan ng PCSO Bids and Awards Committee na sumunod sa mga probisyon ng RA 9184 o Government Procurement Law na dapat na magsagawa ng bidding sa bawat proyekto. (Ben Rosario)