Inabisuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga kontratista ng mga road project na huwag iwang nakatiwangwang ang kanilang proyekto sa simula ng pagpapatupad ng road work ban kahapon.

Sinabi ni Neomie Recio, ng MMDA Traffic Engineering Center, na responsibilidad ng mga kontratista na lagyan ng takip, tulad ng mga steel plate, ang mga hinukay na bahagi ng kalsada na isinasailalim sa repair work.

“Inatasan ang mga district engineer na tapusin ang kanilang road work. Ang mga hindi pa natatapos na proyekto ay dapat takpan upang makadaan ang mga sasakyan sa mga hinukay na kalsada,” pahayag ni Recio sa programa ng ahensiya sa DZBB.

Sinabi rin ni Recio na itinigil na rin ng ahensiya ang paglalabas ng permit sa road repair upang hindi makadagdag sa problem sa trapiko habang papalapit ang Pasko.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Magbibigay kami uli ng clearance pagkatapos ng Enero 3,” aniya.

Exempted sa naturang moratorium ang mahahalagang projekto ng gobyerno, tulad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) elevated expressway, Skyway Stage 3 project, Blumentritt Interceptor project.

Iginiit ng opisyal na hindi mag-aatubiling patawan ng multa ang mga pribadong kontratista na lalabag sa moratorium.

(Anna Liza Villas-Alavaren)