Binigyang diin na katumbas ng “whitewash” ang pagkakaantala sa paglabas ng resulta ng mga imbestigasyon, nagbigay ng ultimatum ang mga congressman na mga dating opisyal ng pulisya at militar sa mga lider ng House of Representatives na ilabas na ang report sa joint congressional investigation sa Mamasapano incident na nagresulta sa masaker ng 44 miyembro ng isang elite unit ng Philippine National Police.

Nangyari ito kasabay ng pagsusulong ng liderato ng House ng plenary voting sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) kahit hindi pa naisumite ang ulat sa joint congressional probe sa Mamasapano incident.

Magugunita na ilang linggong itinigil ng House ang pagtalakay sa BBL matapos makiisa ang mga congressman sa galit ng bansa sa pagkondena sa pagpaslang sa 44 na miyembro ng PNP Special Action Force kasunod ang madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

Ilang tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), pangunahing tagasulong ng panukalang BBL, ang inaasakusahang sangkot sa mga pagpatay sa Mamasapano.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa news forum kamakailan, nagbabala si Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano sa liderato ng House, kabilang na ang mga chairman ng House Committees on Public Order and Safety at on Peace and Reconciliation, na maglalabas ang mga dating opisyal ng militar at pulisya na ngayon ay mga congressman ng kanilang sariling ulat sa imbestigasyon kapag hindi makapagbigay ang chamber ng kanyang sariling conclusion sa joint congressional investigation.

“We told the House leadership that if they will not come up with their report, then we will have to release our own,” sabi ni Alejano, dating military colonel.

Si Alejano ay kabilang sa tinaguriang Saturday Group na binubuo ng mga congressman na mga opisyal ng AFP at PNP. Ang iba pang mga miyembro ng grupo ay sina Reps. Samuel Pagdilao (ACT CIS); Francisco Acedillo (Magdalo Partylist); Romeo Acop (LP, Antipolo City) at Leopoldo Bataoil (NUP, Pangasinan).

Sinabi ni Alejano na hiniling nila kina Reps. Jeffrey Ferrer at Jim Hataman, chairman ng dalawang House panel, na ilabas ang ulat, idinagdag na kailangang maipaliwanag ng dalawa ang kahina-hinalang delay.

“Yes, non-release of the report has given rise to suspicions of whitewash. We do not want to be accused of being part of it, totoo man ito o hindi,” ani Alejano. (Ben Rosario)