IYON ay isang kasunduan na resulta ng pangambang mabigo, at buong ginhawang nailusot ng diplomasya ng France.
Anim na taon na ang nakalipas nang naghiwa-hiwalay ang mga bansa matapos na walang mapagkasunduan sa pandaidigang climate talks sa Copenhagen. Ang desisyong muling magpulung-pulong sa Paris at tangkaing palagdain ang nasa 200 bansa sa isang kasunduang magbabawas sa carbon emissions ay isang sugal: ang isa pang pagkabigo ay maaaring magwakas sa kakayahan ng mundo na magkaisa laban sa climate change.
At walang lider pulitiko ang nanaisin na mabatikan ang kanyang reputasyon kung mauulit ang kabiguan sa Copenhagen.
Kaya naman buhay na buhay ang hospitality ng punong abala na France, walang negosyador ng kanyang bansa ang hindi mapabilib kay Laurent Fabius, ang French foreign minister na nanguna sa komperensiya.
Si Fabius ang pinakabatang French prime minister sa kasaysayan noong 1980s; ngayon, isa na siyang may edad na pulitiko na nais mag-iwan ng isang napakagandang pamana. May dalawang linggong tinutukan ng mundo, ang kanyang dumadagundong na boses at pagiging positibo ay nagbibigay ng ideya sa kahihinatnan ng talakayan.
Ngunit sa likod ng pulong na tinututukan ng buong mundo, nangyari ang mga komprontasyon at pagkokompromiso kahit na pasado hatinggabi na dahil inaasahang magkakasundo-sundo ang mga kulang sa tulog na negosyador mula sa halos lahat ng bansa sa mundo.
Para sa mga dumalo sa climate talks sa Copenhagen, ang susi sa tagumpay sa Paris ay paghahanda.
Nagreklamo si UN Secretary General Ban Ki-moon na hindi sapat ang paghahanda ng mga lider pulitiko na dumalo sa pulong sa Copenhagen, at sa pagkakataong ito, nanguna siya at ang France sa maagang preparasyon upang matiyak ang kontribusyon ng iba pang leader.
Kaya naman walang naging problema sa pagbaba ng mga pambungad na pananalita sa pagsisimula ng pulong nitong Nobyembre 30. Nakatulong din sa kumpiyansa ng mga opisyal ng UN ang pangako ni Russian President Vladimir Putin kay Ban na hindi niya haharangin ang anumang mapagkakasunduan.
Sa kabuuan, sa matinding pag-iwas sa kabiguan, nagkaroon ng kasunduan para baguhin ang mundo sa kinabukasang wala nang mababakas na carbon. (Reuters)