PALIBHASA’Y giniyagis na ng nakakikilabot na mga karanasan dahil sa sunog, dapat lamang ipaalala sa sinuman, at sa lahat ng pagkakataon, ang ibayong pag-iingat. Lalo na ngayong kabi-kabila ang sunog na pumipinsala sa buhay at ari-arian, tulad ng pagkamatay ng siyam katao sa natupok na mga bahay sa Quezon City kamakailan. Sabi nga, nakawan ka na nang maraming beses huwag ka lamang masunugan.

Totoo, sapagkat nang masunog ang aming bahay maraming dekada na ang nakalilipas, pati ang araro na ginagamit ng aming ama sa pagsasaka ay natupok. Nang masunog naman ang tinitirhan naming boarding house sa malapit sa pinapasukan naming unibersidad, maraming taon na rin ang nakararaan, wala kaming nailigtas kahit isang pirasong damit; halos abo na ang naturang gusali nang kami ay makalabas sa klase.

Totoo rin na ang naturang paalala ay hindi pinakikinggan ng mga kinauukulang mamamayan at ng mismong mga awtoridad na dapat ay nagpapatupad ng mahihigpit na reglamento. Ang pagbabawal sa mga rebentador at iba pang uri ng paputok na malimit na nagiging dahilan ng sunog, halimbawa, ay hindi pinahahalagahan. Maliban marahil sa Davao City, ang paglipol sa naturang firecrackers ay hindi naipatutupad nang lubusan ng mga alagad ng batas. Maging ang mga pabrika ng mga paputok ay hindi naipasasara sapagkat ito ang sinasabing palabigasan ng mga tiwaling awtoridad para sa kanilang masakim na paglilingkod. Ang karamihan sa mga itinuturing na mga underground economy ay patuloy na namamayagpag dahil sa kapabayaan ng mga lingkod-bayan.

Hanggang ngayon, ang mahihigpit na utos ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Health (DoH) ay patuloy na ipinagkikibit-balikat ng maraming sektor ng sambayanan. Kahit napuputulan na ng mga kamay at nagkakalasug-lasog ang laman, marami ang hindi mapigilan sa pagsuong sa mapanganib na gawain. Laging iminamatuwid na ito ay bahagi ng kultura ng Pilipino sa paggunita ng Pasko at Bagong Taon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Lalong marami pa rin ang mga pasaway sa pagkakabit ng ilegal na wire installation, tulad ng tinatawag na jumper.

Malimit na ito ang nagiging dahilan ng malaking sunog.

Kahit na ano ang sabihin ng sinuman, makabuluhan ang ibayong pag-iingat sa lahat ng bagay at pagkakataon.

(CELO LAGMAY)