CORSIER-SUR-VEVEY, Switzerland (AFP) – Isang malaking baul na itinabi sa loob ng inaagiw na bodega ang naglantad ng isang pambihirang kayamanan: isang pares ng pakpak na metikuloso ang pagkakagawa at napapalamutian ng swan feathers na ipinasadya para sa huling pelikula ni Charlie Chaplin na hindi niya natapos.

Isang malaking sorpresa ang pagkakatuklas sa mabigat na pakpak na ginawa ng maimpluwensiyang filmmaker para sa anak niyang si Victoria, na nais niyang magbida sa pelikulang The Freak—isang batang babae na may pakpak at nagdudulot ng pag-asa sa sangkatauhan, ngunit mayroon ding sarili niyang mga kahinaan.

“It seemed to me to be a very beautiful fairytale. Something that maybe only a man of his age can imagine, can dream. A very charming dream,” sabi sa Agencé France Presse ng 69-anyos na anak ni Charlie na si Michael Chaplin, na may kakaibang kislap sa mga mata habang ikinukuwento kung paano niya binasa ang script ng kanyang ama noong 1970s.

May kakaibang binalak ang comic genius na si Charlie — na ang mga iconic film na gaya ng The Kid, Modern Times, The Great Dictator, at City Lights ay hinangaan at minahal ng mundo — sa itinakda niya para maging huling pelikula niya.

Pelikula

Hello, Love, Again, kumita ng ₱85M sa unang araw!

Sa isang libro na inilathala ngayong linggo sa Switzerland, ang pinaggugulan ni Charlie ng huling 24 na taon ng kanyang buhay, sa unang pagkakataon ay idinetalye ang naudlot na proyekto ng filmmaker.

Sinabi ng awtor na si Pierre Smolik na nagawa niyang konsultahin ang archives na may daan-daang pahina ng notes ni Charlie na nagdedetalye sa ebolusyon ng proyekto, dalawang script, mga dialogue at isang synopsis, gayundin ang mga litraro na naglalarawan sa dapat sana’y hitsura ng pelikula kung natapos ito ni Charlie.

Ayon kay Smolik, bagamat nabahala si Charlie nang mag-flop ang huli niyang natapos na pelikulang A Countess from Hong Kong noong 1967, agad nitong sinimulan ang isang bagong proyekto.

Sinulat ng sikat na filmmaker ang synopsis ng pelikula noong 1969, sa edad na 80, at sinimulan ang proyekto sa sumunod na dalawang taon sa kanyang Manoir De Ban, na nakatunghay sa Lake Geneva.

Ipinagawa niya ang pakpak at nagdaos pa ng ilang rehearsals sa isang studio sa Britain kasama ang noon ay 18-anyos na anak niyang si Victoria, na gusto niyang magbida bilang si Sarapha sa The Freak.

Kung bakit hindi natapos ni Charlie ang pelikula?

“He was quite old, and his wife did not want the shoot to weigh on his health,” sabi ni Smolik, idinagdag na si Charlie ay isang perfectionist — at mas malaking problema kung magpapatuloy ang napakakumplikadong proyekto.

Sinabi naman ni Michael na pagkamatay ng kanyang ama noong 1977 ay naging “very protective” na ang pamilya tungkol sa script, at “was kept more or less as a secret.”

Gayunman, maaaring masilayan ng publiko ang ngayon ay naninilaw nang pakpak para sa The Freak, dahil idi-display ito sa bagong Charlie Chaplin museum na magbubukas sa Manoir de Ban sa Abril.