ANG mga ulat tungkol sa mga Lumad—isang tribu ng katutubo sa Mindanao—ay ilang beses na bumida sa mga balita sa nakalipas na mga buwan. Dahil sa mga pagsalakay at mga pagpatay sa komunidad ng mga Lumad, napilitan silang lumikas patungo sa Surigao City noong Setyembre. Mistulang naipit sila sa paglalaban ng komunistang New People’s Army at ng puwersang paramilitary na ginagamit ng militar laban sa mga rebelde.
Gayunman, may mga ulat na ang mga Lumad ay mga biktima ng mga taong sumusuporta sa mga large-scale mining operation at pag-angkin sa lupain ng mga ninuno ng mga katutubo. Makaraang tatlo sa leader ng tribu ang mapatay, nilisan ng mga Lumad ang kabundukan at lumikas sa kapatagan, na roon ay inayudahan sila ng iba’t ibang grupong relihiyoso.
Noong nakaraang buwan, iginiit ng Lumad na bigyang-pansin sila ng gobyerno at aksiyunan ang kanilang hinaing kaya naman dumayo pa sila sa Maynila mula sa Mindanao at nanatili nang ilang araw sa Liwasang Bonifacio. Nakiisa pa sa kanilang protesta si Cardinal Luis Antonio Tagle, arsobispo ng Maynila, at sa apela nilang tugunan ng gobyerno ang kanilang mga hinaing. Gayunman, magsisimula na noon ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Maynila at kasabay nito ay inilunsad ang paglilinis ng gobyerno sa mga hindi kaiga-igayang tanawin sa mga lansangan ng siyudad, kaya naitaboy ang mga Lumad kasama ng mga pamilyang palaboy.
Nitong unang bahagi ng Disyembre, hiniling ng mga lumikas mula sa bundok, na nananatili sa mga evacuation center sa Surigao del Sur, na makabalik sila sa kani-kanilang tahanan bago sumapit ang Pasko. Nangako pa ang gobernador na magkakaloob ng mga truck na magbibiyahe sa mga evacuee pabalik sa kanilang komunidad sa kabundukan. Ngunit magbabalik lamang sila kung matitiyak ng gobyerno ang kanilang kaligtasan.
Hanggang sa araw na ito, ayon sa mga record ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Mindanao, may 2,700 katao ang nananatili sa mga evacuation center sa Tandag City at sa mga kalapit na lugar, umaasa sa tulong ng DSWD, ng lokal na pamahalaan, at ng mga non-government organization.
Mauunawaan natin ang masidhing pagnanais nilang makauwi na sa Pasko, ngunit ang pinoproblema ng mga Lumad—gaya ng pinangangambahan din ng iba pang refugees sa iba’t ibang panig ng mundo—ay hindi madaling solusyunan. Malamang na manatili ang mga Lumad sa kinaroroonan nila sa mga susunod na buwan. Ang tanging magagawa natin ay manawagan sa gobyerno na pagtuunan sila ng atensiyon at lumikha ng mga hakbangin tungkol sa pinoproblema ng ating mga katutubong kapatid—parehong sa kapayapaan, kaayusan at seguridad sa bahagi nila sa bansa at sa napaulat na paghahangad ng ilan na maangkin ang lupain ng kanilang mga katutubo.