Naluha matapos mabalitaan ang maagang pamasko na makakamit ng mga differently-abled athletes sa kanilang pagbabalik sa bansa noong Sabado matapos magwagi ng kabuuang 16 na ginto, 17 pilak at 25 tanso sa katatapos lamang isinagawa Disyembre 3 hanggang 9 na 8th ASEAN ParaGames sa Singapore.

"Nagpapasalamat po kami sa lahat ng sumuporta at sa Panginoon," sabi ng swimmer na si Ernie Gawilan, na putol ang dalawang paa sapul na isilang, na iuuwi ang dalawang gintong medalya at ang pagkakataon na makalaro matapos magkuwalipika sa 2016 Rio De Janiero ParaGames.

Kasama ang iba pang differently-abled o may mga kapansanang atleta, unang pagkakataon na makakamit nito ang pinakamalaking insentibo sapul na lumaban para sa bandila ng Pilipinas.

Sinabi ni PSC Executive Director Guillermo Iroy Jr., na nakahanda na ang kabuuang P4,425,000.00 insentibo para sa mga atleta ng PHILSpada o Philippine Sports Association for the Differently Abled—National Paralympic Committee of the Philippines (PhilSPADA-NPC Philippines) na nag-uwi ng pangkalahatang 58 medalya.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“PSC Chairman Richie Garcia has ordered us to prepare the total amount of incentives which will be given to all our differently-abled athletes that bring us honors and pride in international competition,” sabi ni Iroy Jr.

Ang PhilSpada ang pinakaunang makatitikim sa itinakdang insentibo para sa mga pambansang atleta matapos maipatupad ang kapapasa pa lamang na bagong batas na Republic Act 10699 o ang Athlete’s Incentive Law na itinaguyod ni Senador Sonny Angara.

Base sa pinirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III na RA 10699, na tumabon sa dating RA 9064 o ang National Athletes, Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act of 2001 nito lamang November 13, 2015 ay tatanggap ang mag-uuwi ng gintong medalya na P150,000 cash, P75,000 sa pilak at P30,000 para sa tanso.

Kabuuang P2,400,000 naman ang mapupunta sa mga nakapag-uwi ng ginto habang may 1,275,000 sa nakakuha ng pilak.

Ang mga nagwagi ng tanso ay umabot sa kabuuang P750,000 para sa kabuuang P4,425 milyon.

Pinakamalaki ang iuuwi ng delegasyon ng chess na nagwagi ng 6 na ginto, 6 na pilak at 2 tanso para sa 14 medalya.

Sunod dito ang athletics (5-3-9=17), swimming (3-2-1=6), table tennis (1-1-7=9), powerlifting (1-0-1=2), sailing (0-2-1=3), tenpin bowling (0-3-3=6) at ang wheel chair basketball na may 5-on-5 at 3x3 (0-0-2=2).

Pinakamataas ang makukuha ni Menandro Junnie Redor na kabuuang P600,000 matapos na mag-uwi ng apat na gintong medalya sa pagwawagi sa Men's chess Individual Rapid - B2/B3, Individual Standard - B2/B3, Team Rapid - B2/B3 at Team Standard - B2/B3.

Nagwagi din si Arman Subaste ng 2 ginto sa Team Rapid - B2/B3 at Team Standard - B2/B3 habang may dalawa itong pilak sa Individual Rapid - B2/B3 at Individual Standard - B2/B3. Ang iba pang nagwagi sa Chess ay sina Sander Severino, Israel Peligro, Henry Lopez, James Infuesto, Francis Ching, Cecilio Bilog at Rodolfo Sarmiento.

Dating walang natatanggap na insentibo ang mga pambansang atleta sa kanilang paglahok sa internasyonal na torneo kung saan umaasa lamang sila na magdedesisyon ang Philippine Sports Commission (PSC) Board kung bibigyan sila ng insentibo sa pagbibigay karangalan sa bansa.

Tanging pinakamataas na nakuha ng isang differently-abled athlete ay P15,000 para sa ginto, P10,000 para sa pilak at P5,000 para sa tanso bago na lamang ngayong taon matapos na matagumpay na maitulak ng Senato at Kongreso ang bagong batas na nagbibigay dito ng mas mataas na insentibo.

Tumapos na pangkalahatang ikaanim na puwesto ang delegasyon sa 10 bansa na 8th ASEAN ParaGames. (ANGIE OREDO)