Nakikiusap si Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales sa mga botante na huwag ibenta ang boto sa eleksiyon sa Mayo 9, 2016.
Ayon kay Rosales, hindi dapat na ipagpalit ng mga botante sa “panandaliang biyaya” ang kasagraduhan ng boto dahil ang kinabukasan ng susunod na henerasyon ang nakasalalay dito.
Binalaan din ni Rosales ang mga botante laban sa mga nagbabalat-kayong kandidato na inuuna ang kanilang pansariling interes sa halip na ang kapakanan ng mamamayan.
“Huwag bibigyang pansin ang paglilinlang ng kapwa tao sa pagpili ng mga mamumuno. Alam natin, lumilitaw ang napakaraming pagbabalat-kayo, napakaraming panlilinlang, napakaraming panloloko sa kapwa tao sa panahon ng eleksiyon,” sinabi ni Rosales sa panayam ng Radio Veritas.
“Hindi ko na kayo dapat bigyan ng halimbawa sa hindi tapat na pamumuno at pagsisisilbi. Nabibili ang boto sa Pilipinas, kung ipagpapalit ito sa pansumandaling biyaya ng pagkakataon. Kaya banal ang pagpili ng pamumuno, huwag tayong palilinlang at huwag patutukso, ang boto ay hindi ipinagbibili,” paalala pa niya.
Pinaalalahanan din niya ang mga botante na laging isaisip na para kinabukasan ng pamilya, at ng kabataan ang resulta ng isang malinis at hindi bayarang halalan. (Mary Ann Santiago)