Sinolo ng College of St. Benilde ang ikatlong puwesto matapos pataubin ang dating kasalong San Beda College, 25-16, 23-25, 25-18, 25-21, kahapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa men’s division ng NCAA Season 91 volleyball tournament sa San Juan Arena.
Nagtala si national team mainstay Johnvic de Guzman ng 23-puntos na kinabibilangan ng 22 hits upang pangunahan ang nasabing pagbalikwas ng Blazers mula sa unang kabiguang nalasap sa kamay ng dating kampeong University of Perpetual.
Nag-ambag naman ng 12 at 11-puntos ang mga kakamping sina Racmade Etrone at Martk Jethro Orian sa naturang tagumpay na nag-angat sa kanila sa solong ikatlong puwesto hawak ang barahang 4-1, panalo-talo.
Nanguna naman para sa Red Lions na bumagsak sa ika-apat na puwesto sa barahang 3-2, panalo-talo si Mark Christian Enciso na nagtala ng 13-puntos kasunod sina Alfie Mascarinas at Gerald Zabala na kapwa tumapos na may tig-11 puntos.
Naging matinding sandata ng Blazers ang kanilang mala-pader na blocking kung saan dinomina nila ang Red Lions, 11-4v sa pamumuno nina Orian at Etrone na nagtala ng 5 at 3 blocks, ayon sa pagkakasunod.
Sa juniors division, nakapasok naman sa win column ang San Beda Red Cubs makaraang walisin ang Junior Blazers, 25-15, 25-14, 25-23 sa pamumuno ni Jester Aron Santos na nagtala ng 15- puntos.
Dahil sa panalo at pumatas ang San Beda sa event host Letran na may kartadang 1-3, panalo-talo habang nanatili namang walang panalo ang CSB-LSGH matapos ang apat na laro.