Matapos ibasura ng korte ang kaso laban sa kanya kaugnay ng “tanim bala” extortion scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), nananabik nang makabalik sa kanyang bansa ang Amerikanong si Lane Michael White.

Ayon kay White, nakatakda sana siyang lumipad patungong Amerika nitong Biyernes subalit hindi siya makakuha ng flight.

Pinasalamatan naman ng banyaga si Judge Pedro de Leon Gutierrez, ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 119, sa pagbasura sa kasong inihain sa kanya ng mga airport security.

Dahil sa pangambang makulong nang mahabang panahon, malaki ang nabawas sa timbang ni White matapos siyang maaresto at kasuhan sa ilegal na pagdadala ng bala sa kanyang pagdating sa NAIA noong Setyembre.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sa pagtungo niya sa Pilipinas, sinabi ni White na ito rin ang una niyang pagbabakasyon sa labas ng Amerika, unang karanasan sa piitan at unang pagkakataon na maging kontrobersiyal, na pawang hindi niya inaasahang mangyayari sa kanya.

Aniya, mistulang panaginip lang ang lahat ng nangyayari.

Ang una niyang ginawa matapos ibaba ang desisyon ng korte ay kumain ng masarap na buffet dinner kasama ang kanyang pamilya at nagpamasahe sa isang massage parlor upang maibsan ang tensiyon na idinulot sa kanya ng kontrobersiya.

Sa kabila ng kanyang trauma sa insidente, nagbiro pa si White na planong pangalanan ng “Bullet” ng kanyang step mother na si Iloisa White at ng kanyang ama na si Ryan White ang magiging anak ng mga ito.

Inaasahang makababalik na sa US si Lane Michael White ngayong Linggo. (ARIEL FERNANDEZ)