Aabot sa 700,000 katao ang inilikas matapos magpatupad ang mga lokal na pamahalaan sa Albay, Sorsogon at Northern Samar ng pre-emptive evacuation laban sa pananalasa ng bagyong ‘Nona’ na tumama sa lupa kahapon ng tanghali.
Base sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umaabot sa 161,014 na pamilya o 724,839 na katao ang inilikas sa mga government evacuation center matapos isailalim ang ilang lugar sa siyam na lalawigan sa Storm Signal No. 3.
Dahil sa banta ng bagyo, na pinangangambahang maranasan ang biglang pagtaas ng karagatan o storm surge hanggang apat na metro, umabot sa 62 barko na may lulang 7,934 na pasahero ang hindi pinayagan ng Philippine Coast Guard (PCG) na maglayag mula sa mga pantalan sa Timog Katalugan habang 2,266 ang stranded sa Maynila.
Sa Bicol, umabot sa 669 na pasahero ang stranded sa mga sea port.
Nag-landfall kahapon sa Laoang at Batag, Northern Samar ang bagyong Nona, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sinabi ni Aldczar Aurelio, weather forecaster ng PAGASA, na huling namataan ang bagyo sa layong 85 kilometro sa silangan ng Catarman, Northern Samar, taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 150 kilometro at bugsong 185 kilometro kada oras.
Nakataas naman ang Signal No. 3 sa Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Masbate, kasama ang Burias Island at Ticao Island, Sorsogon, Albay, Catanduanes at Camarines Sur.
Signal No. 2 sa Leyte, Romblon, Marinduque, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Batangas at Laguna.
Signal No. 1 naman sa Dinagat at Siargao Islands, Northern Cebu, Negros Occidental, Capiz, Aklan, Cavite, Quezon, Rizal at Metro Manila. (RAYMUND ANTONIO, JUN FABON at ROMMEL TABBAD)