May kabuuang 31 koponan at mahigit 600 swimmer sa bansa ang nag-agawan sa importanteng puntos para sa tsansa na makabilang sa pambansang koponan at iuwi ang pangkalahatang titulo sa pagsasagawa ng 2015 6th Speedo National Short Course Swimming Championships simula Disyembre 10-13 sa Valle Verde Country Club sa Pasig.

Sinabi ni Philippine Swimming Inc., (PSI) Technical Director Richard Luna na asam ng torneo na madebelop lalo ang kapasidad at kakayahan ng mga batang atleta upang mas mapabilis pa ang kanilang mga oras sa iba’t-ibang event base sa itinakda ng kinaaaniban nitong internasyonal na asosasyon na FINA.

“We now have what they called IMX or IM Xtreme category where our swimmers can gain points once they submitted personal best or tournament best time. With this new system, the swimmers are bound to test their limits for them to win more points,” sabi ni Luna.

Ipinaliwanag pa ni Luna na pagsasama-samahin ang lahat ng puntos na napanalunan ng bawat swimmer at bitbit nito na koponan sa isinagawang apat na leg na isinagawa sa Valle Verde, Quezon City Sports Complex at Alabang Country Club bago ang huling yugto na kampeonato upang madetermina ang tatanghaling overall champion.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nagsipagwagi naman sa unang araw ng torneo sa 1,500m freestyle sina Jeremy Velasco III ng GSTSC sa boys 11-year old (20:19.19s), Raphael Santos sa Boys 12-year old (18:55.37s), Antoine Mel Mendoza ng GASC sa boys 13-year old (18:41.94s) at Mikhail Andre Ramos sa 14-year old (17:24.54s).

Wagi din sina Patrick Galvez ng XSSC sa boys 15-year old 1,500m free(17:12.65s), Akiva Jose Carino ng AHSC sa boys 16-year old (17:48.93s), Miguel Antonio Arellano ng AHSC (17:19.13s) at Joshua Ranque ng VVSC-AK sa boys 19-over sa oras na 18:02.52s).

Nanalo din sa 800m free category sina Janelle Alisa Lin ng BDSC sa girls 11-year old (10:24.77s), Chloe Fabic ng AWSC sa girls 12-year old (9:50.83s), Althea Baluyut sa girls 13-year old (9:49.31s), Xiandi Chua sa girls 14-year old (9:22.04s), Portia Kate Doragos ng AHSC sa girls 15-years old sa 9:47.80 segundo. (ANGIE OREDO)