Habang abala ang ibang koponan sa paghahanda para sa kanilang kampanya sa Philippine Collegiate Champions League o PCCL, nagsisimula naman ang UAAP Season 78 men’ s basketball tournament runner-up University of Santo Tomas (UST) sa paghahanap ng mga manlalarong papalit sa mga nagtapos nilang player para sa susunod na season.

“Hindi na nga sana kami sasali sa PCCL kasi tingnan mo naman, wala kaming players,” pahayag ni Tigers coach Bong De la Cruz sabay turo sa court kung saan nag-eensayo ang ilang mga player mula sa Team B ng unibersidad at ilang mga manlalaro nasa Team A gaya nina Jeepy Faundo at Zach Huang.

Hindi pa rin makalalaro para sa koponan sina Kyle Suarez at Renz Subido na kapwa nagpapagaling pa ng kanilang injury habang ang iba pang left overs ng team ay kasalukuyang kumukuha ng finals exam noong Biyernes ng umaga.

Hindi na maglalaro ang mga graduating player na sina Louie Vigil, Kevin Ferrer, Jon Sheriff, Ed Daquioag at Karim Abdul.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Talung-talo kami sa recruitment kasi wala naman kaming mai- u- offer na gaya ng ibang school,” pahayag ni De la Cruz.

“Kami ngang mga coach, maliit lang din ang suweldo kaya dito talaga pride lang ang puwedeng ipagmalaki ng mga player,,” ayon pa kay De la Cruz.

Sa ngayon, talagang umaasa lamang ang UST sa mga talentong dumarating sa kanila o kaya’y iniririkomenda ng ilang mga player at alumni.

“Wala talaga e, yang mga batang ‘yan tiyaga lang na lang para maturuan o kaya aasang me darating na walk-in na magaling. Parang si Marvin Lee, dumating lang yan dito,” ayon pa kay De la Cruz.

Gayunman, lubos ang pagpapasalamat ni De la Cruz na mayroon silang mga tagapagtaguyod o mga sponsor na mga dati ring alumni ng UST na hindi nagsasawang tumulong sa team.

“Buti nga andyan sila, kahit paano may nagbibigay konsolasyon sa mga bata pag nananalo,” ayon pa kay de la Cruz. - Marivic Awitan