Ni Marivic Awitan

Kapwa nagtala ang San Beda College at ang Lyceum ng impresibong panalo sa pagbubukas kahapon ng 2015 Philippine Secondary Schools Basketball Championships sa San Beda Gym sa Manila.

Inumpisahan ng Red Cubs ang kanilang kampanya bilang kauna- unahang defending champion ng torneo sa pamamagitan ng 88-74 panalo laban sa Filipino-Chinese school powerhouse Hope Christian High School habang nakalusot naman ang Junior Pirates sa matinding hamon Manila Patriotic School, 77-68.

Sinandigan ng Red Cubs si Prince Etrata at Germy Mahinay upang mangibabaw sa una nilang laban.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nagtala ang dalawa ng 12-puntos sa huling 10 minuto ng laro kung saan binura ng tropa ni coach JB Sison ang limang puntos na kanilang hinahabol, 63-68, sa bentaheng nabigong habulin ng Hope Christian.

Nagtapos si Etrata na may 14-puntos kasunod si Mahinay na may 12-puntos habang nag ambag si NCAA finals Most Valuable Player Evan Nelle ng 11 at tig-9 naman sina Sam Abuhijle at Alberto Bordeus.

Namuno naman para sa Hope sina Ryan Quiambao at Harvey Pagsanjan na may 18 at 16, ayon sa pagkakasunod.

Kinailangan naman ng Junior Pirates ang matinding performance sa third period mula kay Ian Salazar para mapayukod ang Manila Patriotic School.

Naiiwan ng 7 sa halftime, binuhay ang Junior Pirates ni Salazar matapos pumukol ng tatlong 3 pointers para ibigay sa koponan nila ang 53-50 bentahe papasok sa final canto.

Mula roon ay kontrolado na ang laro ng Junior Pirates na pinangunahan ni Generoso Cecillo na tumapos na may 21- puntos kasunod si Salazar na may 18 puntos,lahat galing sa 3-point shots.

“We just wanted to make the most out of the opportunity to play and be invited in such a league as the PSSBC,” ani Lyceum head coach LA Mumar.

“When we began we were getting beat up, natatambakan kami. We haven’t won a single game in a long time, but here we are now. It’s a testament to the program and the willingness of the kids to learn,” dagdag nito.

Nagwagi din ang Chiang Kai Shek College na sinamantala ang di paglalaro ni NCAA MVP Mike Enriquez para gapiin ang Mapua, 77-56.