Target ng gobyerno ang “zero casualty” sa preparasyong inilalatag nito laban sa pananalasa ng bagyong ‘Nona’ na inaasahang tatama sa Bicol at Samar ngayong Lunes ng hapon.
“Mahalaga ‘yung paghahanda natin para maibsan ‘yung maaaring pinsala nito at ang pangunahing layunin pa rin ay ‘yung pagtatamo ng ‘zero casualty’ para maging ganap na ligtas ang buhay ng ating mga mamamayan,” pahayag ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. sa radyo DZRB.
Aniya, dahil sa patuloy na paglakas ng bagyong Nona habang papalapit sa Bicol at Samar, ikinakasa na rin ng mga lokal na pamahalaan sa dalawang rehiyon ang posibleng paglilikas sa mga residente sa mas ligtas na lugar.
Ayon sa taya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang sentro ng bagyo ay may layong 605 kilometro sa silangan ng Borongan, Eastern Samar, habang ang lakas ng hangin nito ay nasa 95 kilometro kada oras malapit sa gitna, at ang bugso ng hangin ay aabot sa 120 kilometro kada oras.
Sinabi ni PAGASA officer-in-charge Dr. Esperanza Cayanan na nasa 245 kilometro ng silangan ng Catarman, Northern Samar ang bagyo ngayong umaga at bukas ng umaga, ito ay nasa bisinidad na ng Masbate.
Sa Biyernes inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility ang bagyo, ayon pa sa PAGASA.
Kahapon ay isinailalim na sa Storm Signal No. 1 ang 14 na lugar, kabilang ang Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Mabate, Burias, Ticao Islands, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, at Dinagat province.
Posible ring naisailalim na kagabi sa Signal No. 1 ang Camarines Norte, Southern Quezon, Marinduque at Romblon.
Samantala, inalerto na rin ang Disaster Incident Management Task Group ng Sorsogon Police Provincial Office kaugnay ng banta ng bagyo.