Maliban na lang kung mababaan agad na ng Korte Suprema ng pinal na desisyon, hindi dapat na alisin ng Commission on Elections (Comelec) ang pangalan ng independent presidential candidate na si Senator Grace Poe-Llamanzares sa balota para sa eleksiyon sa Mayo 9, 2016.
Ito ang apela ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, running mate ni Poe, kaugnay ng pagdiskuwalipika ng First Division ng Comelec sa senadora. Una nang diniskuwalipika ng Second Division ng poll body si Poe.
Nagdesisyon ng 2-1, bumoto ang First Division upang pagbawalan si Poe na kumandidato sa pagkapangulo sa pagkansela sa certificate of candidacy (CoC) nito bilang tugon sa magkakahiwalay na petisyon nina dating senador Francisco Tatad, De La Salle University professor Antonio Contreras, at dating University of the East Law dean Amado Valdez na kumuwestiyon sa citizenship at eligibility ng senadora.
Ibinaba ang ruling matapos ang unanimous decision ng Second Division na nagkakansela sa CoC ni Poe kaugnay ng petisyong inihain ng abogadong si Estrella Elamparo, na nais namang madiskuwalipika ang senadora dahil sa hindi umano pagtupad sa 10-year residency requirement para sa mga kandidato sa pagkapresidente.
Sinabi ng abogado ni Poe na si George Garcia na maghahain sila ng motion for reconsideration sa Disyembre 15 o 16 sa Comelec en banc.
Sinabi ni Escudero na sa kabila ng desisyon ng dalawang dibisyon ng Comelec, dapat na panatilihin pa rin sa balota ang pangalan ni Poe dahil nananatili pa ring opisyal na kandidato sa pagkapangulo ang senadora.
“Para sa akin dapat isama ang pangalan ni Senator Grace hanggang hindi nagbibigay ng pinal na desisyon ang Korte Suprema tungkol sa mga petisyon na inihain laban sa kanya,” sinabi ni Escudero nang dumalo siya sa Cauayan City Leadership Summit sa Isabela.
“Inuulit ko po na si Senator Grace ay kandidato pa rin natin sa pagkapangulo,” giit ni Escudero.
“Apat na kaso ‘yan at ang desisyon d’yan ay aakyat pa sa Comelec en banc. Magdedesisyon ang en banc, at hindi ‘yan magiging final and executory dahil may panahon pa iakyat sa Supreme Court,” paliwanag pa ng senador. - Hannah L. Torregoza