Habang papalapit ang Pasko at Bagong Taon, nanawagan si Nationalist People’s Coalition (NPC) Congressman Win Gatchalian sa gobyerno na mahigpit na ipatupad ang batas sa mga paputok at pailaw sa pamamagitan ng pag-amyenda sa batas na ipinaiiral sa mga produktong gumagamit ng gunpowder.
Bilang gobernador ng Philippine Red Cross, nanawagan si Gatchalian sa pagpapasa ng House Bill No. 4434, o Firecracker Regulation Act of 2014, base sa apela ng Department of Health (DoH) sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa pagbebenta ng piccolo, na itinuturong pangunahing sanhi ng sakuna tuwing selebrasyon ng Bagong Taon.
“Mayroon pa ring naiulat na sugatan bunsod ng mga paputok na nagpatunay lamang na kailangan nating palakasin ang kasalukuyang batas sa pagbebenta at paggamit ng mga firecrackers. Dapat na maamyendahan ang batas upang maprotektahan ang kabataan na madalas mabiktima ng paputok, lalo na kung hindi nila batid ang dulot na panganib nito,” paliwanag ni Gatchalian, miyembro ng House Committee on Trade and Industry.
Sa 860 naitalang firecracker-related injury nitong 2014, 32 porsiyento ang isinisi sa piccolo na ipinagbabawal ng gobyerno subalit patuloy na ibinebenta sa merkado.
Sa pamamagitan ng HB 4434, iginiit ng kongresista na hindi niya nais maging “KJ” (kill joy) sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon, ngunit mahalagang tiyakin na maging ligtas ang selebrasyon para sa lahat, lalo na sa kabataan.
Puntirya ni Gatchalian na maamyendahan ang ilang probisyon sa RA 7183 o Act Regulating the Sale, Use and Manufacture of Firecrackers.
Bukod sa pangamba ng sakuna, ang malalakas na paputok din ang madalas na pinagmumulan, hindi lang ng matinding polusyon, kundi maging ng sunog sa ilang komunidad.