Ni Angie Oredo

Tinanghal na kampeon ang Nomads Football Club na binubuo ng mga dating miyembro ng Philippine National Girls Under 14 Football Team sa tampok na Under 17 category ng ginaganap na Philippine Sports Commission (PSC) - Women in Sports Football Festival 2015 Under 17 and Women’s Open sa Rizal Memorial Football pitch.

Winalis ng Nomads, na may 13 manlalaro mula sa dating National Under 14 Girls Team, ang apat nitong laro upang iuwi ang titulo sa itinala nitong kabuuang 12-puntos. Ikalawa ang Tuloy sa Don Bosco na may dalawang panalo at kabuuang anim na puntos habang ikatlo ang West Bicutan.

Iginawad mismo ni PSC Commissioner at Project Director Akiko Thomson-Guevara at Tournament Director Atty Ma. Fe “Jay” Alano ang magagarang medalya at espesyal na tropeo na parte sa programa ng ahensiya para mapalakas at mapaunlad ng talento at kakanyahan ng mga kabataang kababaihan.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Iginawad naman ang karangalan bilang Most Valuable Player sa center fielder na si Icee Santiago dahil sa mahusay nitong pagbantay na hindi makapasok ang bola ng kalaban. Kinilala bilang Best Defender si Jennifer Barion habang Best Midfielder si Stacy Arthur.

Napunta ang Golden Boot award kay Lindsay Whaley matapos itong makapagpasok ng 9 goals habang napunta ang Fair Play Award sa West Bicutan.

Habang isinusulat ito ay isinasagawa naman ang labanan para sa Women’s Open kung saan nag-aagawan para sa titulo ang Far Eastern University (FEU)- A, Tamaraws, West Bicutan, Fuego Espana A at ang Fuego Espana B.