MALUGOD na tinanggap ng mga climate scientist ang kasunduang pipigil sa global warming bilang isang pagkakaisang pulitikal, ngunit nagbabala sila sa isang nakaligtaan at mahalagang detalye—walang roadmap sa pagbabawas ng greenhouse gases na siyang ugat ng problema.

Layunin ng bagong kasunduan, na tinanggap ng 195 bansa, na pigilan ang pag-iinit ng mundo sa “well below” two degrees Celsius (3.6 degrees Fahrenheit) above pre-industrial levels, at maglunsad ng karagdagang mga hakbangin upang limitahan sa 1.5C ang pagtaas nito.

“This is a historic agreement,” sabi ni Steffen Kallbekken, director ng Centre for International Climate and Energy Policy.

“But this ambitious temperature goal is not matched by an equally ambitious mitigation goal,” aniya, ginamit ang siyentipikong termino para pagbabawas sa greenhouse gas na naiipon sa mundo at nagbubunsod ng pag-iinit ng planeta.

Upang magkaroon ng two-thirds na tsansa na malilimitahan ang pagtaas ng temperature sa two degrees, ang emissions ay dapat na mabawasan ng 40-70 porsiyento sa kalagitnaan ng siglo, ayon sa Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC), ang climate science body ng United Nations.

At upang makatupad sa 1.5C target na nakasaad din sa bagong kasunduan, ang pagbawas sa emissions ay dapat na dagdagan pa: 70 hanggang 95 porsiyento.

Kung wala ang mga numerong ito—na inalis mula sa orihinal na panukala—ang climate pact “does not send a clear signal about the level and timing of emissions cuts,” babala ni Kallbekken.

Binigyang-diin ng maraming siyentista ang kawalan ng balanse na likha ng pagpapaigting sa inaambisyong

temperature target, samantalang binabalewala ang panukat na magtitiyak na naisasakatuparan ang target.

“How are we going to reach our objective unless we set out in the right direction?” sabi ni Professor Bill Collins sa University of Reading sa katimugang England, tinukoy ang pangangailangang bawasan ang CO2 output ng 70 porsiyento sa kalagitnaan ng siglo.

“Until governments accept this, we should restrain our optimism.”

Sinabi naman ni Keveh Madani, propesor sa Imperial College London, na sadyang mahusay ang mga pandaigdigang summit sa pagtatakda ng mga layunin kaysa paglalatag ng mga aktuwal na hakbangin para maisakatuparan ang mga ito.

“What matters more is how to get to the target,” aniya.

Ang ilang papaunlad na bansa—partikular ang India—ay nagdadalawang-isip na ikonsidera ang mga siyentipikong hakbangin na maaaring makaapekto sa paggamit nila ng fossil fuels sa pagpapaunlad sa ekonomiya ng bansa.

Ngunit hindi maaaring baguhin ang realidad ng siyensiya, ayon kay Miles Allen ng Oxford University.

Ang pagbabawas sa greenhouse gases “in the second half of this century will require net carbon dioxide emissions to be reduced, in effect, to zero,” aniya.

Nagpahayag naman ng pangamba ang ibang siyentista na palilipasin pa ng bagong kasunduan ang maraming taon bago paigtingin ang mga pagsisikap upang mabawasan ang emissions.

“For all that is encouraging in the agreement, the time scales—or the lack thereof—are worrying,” sabi ni Ilan Kelman ng University College London. “Little substantive will happen until 2020 whilst clear deadlines for specific targets are generally absent.”

Para kay Jean Jouzel, pangunahing French climate scientist at dating vice chairperson ng IPCC, mahalagang agad na maipatupad ang mga kinakailangang hakbangin.

“Above all, we can't wait until 2020—acting before then is essential, we have to be very pro-active,” aniya. - Agencé France-Presse