Umalma ang Mexican boxer na si Cesar Juarez sa scoring ng tatlong hurado sa katatapos pa lamang nilang laban noong Sabado ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr., sa Coliseo Roberto Clemente sa San Juan, Puerto Rico kung saan tinalo siya nito via 12-round unanimous decision.
Gayunman, inamin ni Juarez na talagang mas magaling si Donaire sa naging laban nila, kaya siya ay natalo.
“The judges were not fair. It was much closer, like a one or two point fight. But I do think Donaire won, ang pahayag ni Juarez.
Sa score cards, lumabas ang 116-110, 116-110 at 117-109, na unanimous itong pumabor kay Donaire.
Iginiit ni Juarez, dapat na mas dikit ang kanilang mga puntos dahil palitan naman ang naging laban.
Sa kabilang banda, pawang papuri naman si newly-crowned WBO super bantamweight champion Donaire sa kanyang nakalabang si Juarez subalit umalma rin ito sa tinamong foot injury na naging dahilan din kung bakit hindi niya agad tinapos ang laban.
Si Donaire ay magugunitang nasa kumpletong pagkontrol sa una at hanggang limang rounds ng kanilang laban subalit ito ay nadulas sa sixth round.
“Ewan ko nga. Natapakan ko ‘yung referee. It was so fast because I pushed forward, because I was trying to counter back. When I stepped in, he went inside and it pulled a muscle inside (the left foot),” ang paliwanag ni Donaire.
“Ang problema doon is I can’t be on my toes, so I can’t use my power,” dagdag pa nito. “I was all arms and all shoulders. I was fighting with my arms and with my shoulders. I wasn’t fighting with my feet like I planned in sparring.”
Sa 10th round, nagpakawala ng isang left hook si Juarez na bahagyang tumama sa sentido ni Donaire na nawalan ng balanse at tuluyang napaluhod ito.
Ngunit, ideneklara ni referee Ramon Peña na nadulas lamang si Donaire at hindi bumagsak dahil sa suntok.
Natapos ang laban sa iskor na 117-109 at dalawang 116-110 na pabor lahat kay Donaire.
Dahil sa panalo, naiuwi ni Donaire ang bakanteng World Boxing Organization (WBO) super bantamweight crown, ang isa sa limang dibisyon na pinagharian ng US-based boxing champion.
Sinabi ni Donaire na bibigyan niya ng pagkakataon si Juarez para sa rematch.
“I’m not taking anything away from him.” - Abs-Cbn Sports