SA wakas, matapos ang napakaraming pagtanggi at ‘sangkatutak na pagsisikap upang maibsan ang epekto ng kontrobersiya ng mga insidente ng “tanim bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), inilabas na ang National Bureau of Investigation (NBI) ang resulta ng pagsisiyasat nito.

Mayroon ngang extortion racket na nambibiktima ng mga papaalis na pasahero sa pamamagitan ng paglalagay ng mga bala sa bagahe ng mga ito, bago kikikilan ang pasahero kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso at pag-iwas sa abala at perhuwisyo. Gayunman, sinabi ng NBI na pakana ito ng “corrupt opportunists” at hindi ng isang sindikato.

Nagsampa na ang NBI ng mga kaso laban sa dalawang empleyado ng Office of Transportation Security (OTS) at apat mula sa Aviation Security Group ng Philippine National Police. Kinasuhan sila kaugnay ng kaso ng isang Amerikanong turista, anak ng isang misyonero, at ng Pilipina na madrasta nito, na patungo sa Palawan upang maghanap ng lupang pagpapatayuan ng simbahan. Sinabi nilang hiningan sila ng P30,000 para hindi na ituloy ang pagsasampa ng kaso, ngunit pinili nilang lumaban sa korte.

May mga insidente rin na bumandera sa unang pahina ng mga pahayagan at sa mga newsroom ng mga istasyon ng radyo at telebisyon, hindi lang sa ating bansa kundi maging sa United States, England, Japan, at iba pang mga bansa. Nagdulot ng kahihiyan sa ating bansa ang “tanim bala”, matapos na balutin ng makapal na plastic ng mga pasahero, kapwa Pilipino at dayuhan, ang kani-kanilang bagahe upang mapigilan ang anumang pagtatangkang lagyan ng bala ang mga ito.

Nakakalungkot lang na pinili ng sarili nating mga opisyal na bawasan ang mga insidenteng ito sa mga paliparan, na tinawag nilang “isolated cases”, dahil wala pa umanong .004 na porsiyento ng 34 na milyong pasahero sa NAIA taun-taon ang nakapag-ulat nito. Pinalalakas lamang nito ang loob ng mga nambibiktima kaya luminaw ang mga hinala na isang sindikatong may kaugnayan sa matataas na opisyal ng paliparan ang sangkot sa usapin.

Inihayag ng NBI na wala itong natukoy na ebidensiya ng sindikato sa ginawa nitong imbestigasyon, kaya naabsuwelto ang matataas na opisyal ng paliparan. Ngunit sapat nang nakumpirma ang mga insidente ng “tanim bala” at may mga kasong naihain sa korte.

Matatagalan pa bago mawala ang pangamba ng mga pasahero ng eroplano sa NAIA na mabibiktima sila ng modus. Subalit ang masusing imbestigasyon ng NBI at ang pagsasampa nito ng mga kaso ay dapat nang magbigay-tuldok sa racket na nagdulot ng negatibong pandaigdigang publicity sa ating bansa.