HINDI ito dasal, at hindi rin tsismis. Kumbaga ay napag-uusapan lang. Na itong mga Poe ay ‘tila hindi ipinanganak para sa pulitika. Lagi na lang kasi silang “sinasalbahe ng mga kalaban”. Lagi na lang silang nagiging biktima ng kawalang-katarungan.

Matatandaan na noong kumandidato rin sa pagkapangulo ng bansa si Fernando Poe, Jr., na mas kilala sa tawag na FPJ, mabangung-mabango ang kanyang pangalan. Maraming may gusto, at kung hindi talagang “mamadyikin” ay sigurado ang panalo. Pero “namadyik nga”!

Sa Mindanao, na halos idolohin siya ng mga Muslim, ay dinaya siya nang husto. May mga bayan o barangay pa na wala siyang nakuha ni isang boto. Nangangahulugan ba na pati ang kanyang mga leader sa rehiyon ay hindi bumoto sa kanya?

Natalo si FPJ sa eleksiyon, pero hindi sa pagmamahal ng mga tao.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sinasabing ang dahilan ng pagkatalo ni FPJ ay ang “Hello, Garci”. At ang tinutukoy na Garci ay si Garcillano, na opisyal ng Comelec sa bahaging iyon ng bansa. And I repeat, Comelec!

Ngayon ay hindi na pinaraos ang eleksiyon. Nang “iligtas” ng SET si Sen. Grace Poe ay “binuwisit” naman siya ng Comelec. Dinisqualify si Sen. Grace Poe. Ang dahilan ay ang pagiging pulot niya at umano’y kakulangan ng araw ng paninirahan sa bansa.

Sa kaso ni Grace, iba ang pananaw at paniniwala nina dating Chief Justices Panganiban at Puno. Pasado para sa kanila si Grace Poe, sa kuwalipikasyon nito. Pero iba ang pananaw ng mga commissioner ng Comelec. Hindi kuwalipikadong kumandidato si Grace Poe!

Sa magkaibang pananaw ng dalawang Chief Justice at ng mga commissioner ng Comelec, hindi ba dapat bigyan ng bigat o pabor ang anumang pagdududa? Nagdududa sila sa pagkatao ni Poe gayong hindi naman maikakaila na siya’y Pilipino, bakit mo ito hahadlangan ? Hindi ba dapat ay ipaubaya sa mga botante ang kapalaran niya? Kung ayaw sa kanya ng mamamayan, hindi siya iboboto kahit na siya ‘di pa siya i-disqualify. Binibigyan natin ng limitadong karapatang makapamili ang sambayanan sa ginagawang ‘yan ng Comelec.

Hindi ba sinasabing “ang tinig ng bayan ay tinig ng Diyos”? O ang gusto lang nilang mapakinggan ay ang “tinig ng Comelec”.

Ang kabuuan ng mga miyembro ng mga commissioner at chairman ng Comelec ay appointed. Nakapagdududa ba?

Ang ‘utang na loob’ ay matimbang sa mga Pinoy.

BIRONG PINOY

Indo: Pare bakit kaya idinisqualify ng Comelec si Grace Poe?

Ambo: Kasi raw pulot. Hindi na bale raw kurakot, ‘wag lang pulot.

Bando: At hindi na raw baleng walang alam, basta nasa tuwid na daan. (ROD SALANDANAN)