NAGING isang mahalaga at natatanging araw ang ika-10 nitong Disyembre sa 65 pares sapagkat sila’y ikinasal nang libre sa Kasalang Bayan sa Binangonan, Rizal.Ang Kasalang Bayan ay ginanap sa Ynares Plaza, na ang principal sponsor ay si Rizal Mayor’s League President at Binangonan Mayor Boyet Ynares, at ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan.

Ang mga ikinasal ay nagmula sa 41 barangay ng Binangonan at ilang barangay sa Talim Island, tulad ng Bgy. Rayap.

Isang pareha mula sa nasabing barangay ang kabilang sa mga ikinasal. Madaling-araw pa lang, kasama ang kanilang ninong at ninang sa kasal, ay sumakay na sila ng bangkang de-motor upang makarating nang maaga sa mainland ng Binangonan.

Ayon kay Ms. Vivien de Leon, pangulo ng BYLM (Boyet Ynares Ladies Movement), ang Kasalang Bayan nitong Disyembre 10 ay pang-12 na simula nang ilunsad ito ni Mayor Ynares. Dalawang beses na ginaganap ang Kasalang Bayan sa Binangonan, ang una ay tuwing Hunyo at ang ikalawa ay Disyembre, bago sumapit ang Pasko. Layunin nitong maging legitimate o legal ang pagsasama ng mag-asawa sa mata ng Diyos at ng mga tao.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kabilang sa mga ikinasal ang isang 70-anyos na lalaki at isang 62-anyos na babae mula sa Bgy. Pinagdilawan. May 40 taon na silang nagsasama, apat ang kanilang anak at may apat na silang apo. Ikinasal din ang dalawang babaeng may kapansanan; bulag ang isa habang pilay naman ang isa pa.

Ang 65 pareha ay ikinasal ni Pastor Elizer Gonzal. Sa kanyang homily, nanawagan siya sa mga ikinasal na si Kristo at ang pag-ibig ang dapat maging sentro ng pagsasama at pagmamahalan, sapagkat sagrado ang kasal. Sinariwa ang pagkakasal ni Kristo kina Adan at Eva sa Paraiso. Binigyang-diin at ipinaalala rin sa mga ikinasal na ang pag-aasawa ay isang commitment o pangako, dapat na maging tapat sa pagmamahal ng bawat isa, magsasama sa hirap at ginhawa, sa sakit at kalusugan, at tanging kamatayan ang makapaghihiwalay sa isang mag-asawa.

Ipinahayag naman ni Mayor Ynares na kasal na ang 65 pareha. Kanyang hiniling sa mga bagong kasal na sabay-sabay na maghalikan bilang tanda ng kanilang pagmamahalan. Sinundan ito ng malakas na tawanan at palakpakan ng mga ninong at ninang at ng mga kamag-anak ng mga ikinasal.

Bilang katuwaan, naging bahagi rin ng Kasalang Bayan ang contest sa patagalan ng halik. Apat ang sumali, at buntis ang mga bride. Ang halikan nang lips to lips ay tumagal nang limang minute, at binigyan sila ng tig-P3,000 na magagamit sa kanilang panganganak. Binigyan din ng tig-P4,000 ang nagmula pa sa Bgy. Rayap, na nasa dulo ng Talim Island. Gayundin ang pinakamatandang pareha at ang bride na bulag.