NAPAKAGANDANG pagmasdan na muling nagkita-kita pagkalipas ng 35 taon sina Charo Santos-Concio, Christopher de Leon, Leo Martinez, Buboy Garovillo, Nanette Inventor, at iba pang kasama sa Pinoy classic film na Kakabakaba Ka Ba? sa special screening ng Cinema One Originals para sa world premiere ng digitally restored version ng pelikula sa Trinoma Cinema One last week.

Pumanaw na sina Johnny Delgado at Jay Ilagan, kaya hindi na nila inabot ang digitally restored na Kakabakaba Ka Ba? pero dumalo naman ang anak ng una na si Ina Feleo at si Rafa Siguion Reyna para sa lolang si Ms. Armida Siguion-Reyna na nasa bahay lang daw. Wala rin si Sandy Andolong na kasama rin sa pelikula dahil nagpapahinga raw ayon sa asawang si Boyet. 

Kuwento ni Ms. Charo, reluctant siya noong una na muling ipalabas ang Kakabakaba Ka Ba? dahil nga mapapanood ang sexy at love scenes nila ni Boyet.

Habang pinapanood namin ang nasabing eksena ay wala namang nag-comment ng hindi maganda, bagkus ay tawanan lang ang narinig namin buhat sa kinauupuan ng mga bida.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Nakakatuwa kasi hindi mo maiisip na ang presidente at CEO ng ABS-CBN ay nakagawa ng mga ganu’n eksena sa Kakabakaba Ka Ba? na sabi nga ni Boyet ay, “crazy movie.”

Pinuri naman ni Ms Charo ang direktor na si Mike de Leon dahil sa magandang kuwento at musika ng pelikula nila. 

Nabanggit ng Cinema One channel head na si Ronald Arguelles na malapit sa Cinema One ang layunin ng ABS-CBN film restoration na maipalabas ang Filipino classic films para sa younger generations kaya nagkaisa ang Cinema One at ABS-CBN film restoration para sa proyekto.

Binanggit din ni Leo Katigbak, head ng ABS-CBN Film Archive and Restoration na ang mga pelikulang Kung Mangarap Ka’t Magising ni Direk Mike din, Haplos, Langis at Tubig, at iba pa ay naka-line-up rin para i-restore.

Dumating din ang ibang cast at staff/crew ng pelikula na si Joe Hardi, ang UP Concert Chorus, sina Ding Achacoso at Cesar Hernando, at ang screenplay co-writer at production designer ng pelikula na si Raquel Villavicencio.

Magkakaroon ng limited theatrical run sa unang bahagi ng 2016 ang restored na Kakaba-kaba Ka Ba?, kaya abangan.

—Reggee Bonoan