Pinutol ng Milwaukee Bucks sa hanggang ikalawa lamang na pinakamahabang perpektong pagsisimula ang pagwawagi ng nagtatanggol na kampeon na Golden State Warriors matapos nitong iuwi Sabado ng gabi ang 108-95 panalo sa laban sa NBA sa Harris Bradley Center.

Pinamunuan ni Greg Monroe ang Milwaukee sa itinalang 28-puntos, 11 rebound at 5 assist upang ipalasap ng Bucks na bitbit ang kabuuang 10-15 panalo-talong kartada ang pinakaunang kabiguan at ihinto sa kabuuang 24 lamang na sunod ang rekord ng nagpapakitang gilas na Warriors.

Nanguna para sa Golden State si Draymond Green na may 24- puntos, 11 rebound at 5 assist bagaman nadungisan ang kartada ng Warriors sa 24-1 panalo-talong karta.

Naputol din sa 28 diretso lamang ang pagwawagi ng Golden State dagdag pa ang huling apat na laban nito noong nakaraang taon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nabigo rin ang Golden State na mapantayan o malampasan ang mahigit 40 taon na NBA longest winning streak na kabuuang 33 na itinala ng Los Angeles Lakers noong 1971-72.

Dinomina ng Bucks ang kabuuan ng laban kung saan hinawakan nito ang 30-28 abante sa pagtatapos ng unang yugto bago umiskor ng 29 kontra sa 20 lamang ng Warriors sa ikalawang yugto upang itala ang 59-48 kalamangan sa unang hati ng laro.

Mistulang napagod ang Warriors matapos mangailangan ng dalawang overtime upang manalo kontra Boston noong Biyernes na hindi makakonekta sa 3-point range. Madalas itong nakagagawa ng 13 kada laro subalit may naipasok lamang na 6 of 26 mula sa arko sa huli nitong laro sa pitong sunod na laban na road trip.

Nagtala lamang si Stephen Curry ng 28-puntos mula sa 10-of-21 shooting kabilang ang 2 of 8 mula sa 3-points.

Pinilit ng Warriors na maghabol sa laban matapos nitong itala ang 29- puntos sa ikatlong yugto kontra sa 21 lamang ng Bucks upang dumikit sa iskor na 77-80 sa pagtatapos ng ikatlong yugto subalit hanggang dito na lamang ang natitira nitong lakas.

Agad naghulog ng 11-2 bomba ang Bucks sa unang 6:57 minuto ng ikaapat na yugto upang lumayo sa 91-79 at hindi na nilingon pa ang Warriors na maagaw pa ang panalo.

Nagawa pa ni Michael Carter-Williams ang isang steal at matinding atake sa gitna bago isinasagawa ang isang highlight dunk sa natitirang 42- segundo upang ibigay sa Milwaukee ang maigting na panalo. - Angie Oredo