Inihayag ng Department of Labor and Employment (DoLE) na nagawa nitong himukin ang mahigit 130 dating household service worker (HSW) para magbalik-bansa upang magturo sa mga pampublikong paaralan.
Sinabi ni National Reintegration Center for OFWs (NRCO) chief labor and employment officer Roel Martin na 136 ang nakapasa sa programang “Sa Pinas, Ikaw ang Ma’am/Sir” ng DoLE simula nang ilunsad noong Disyembre 2014.
“Out of the 750 who signed up for the program, 136 have passed the requirements to qualify for the program,” sabi ni Martin.
Ang mga aplikante ay kailangang pumasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) at sumailalim sa kinakailangang refresher course kung matagal nang hindi nakapagturo.
“Fifty of them are already teaching in public schools. The rest are still waiting for their appointed teaching positions from the Department of Education (DepEd),” ani Martin.
Karamihan sa mga benepisyaryo ay nagmula sa Hong Kong, Thailand, at United Arab Emirates.
Ang matatanggap sa programa ay tatanggap ng P20,000 bilang starting salary, na halos kapareho ng sinusuweldo sa ibang bansa ng isang HSW. - Samuel Medenilla