Napigilan ng mga immigration officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isa na namang pagtatangka ng isang human trafficking syndicate na ipuslit sa paliparan ang 11 hindi dokumentadong Pinoy domestic helper, na nagpanggap ng mga misyonero na patungong Middle East.
Sinabi ni Bureau of Immigration (BI) Associate Commissioner Gilbert Repizo na nangyari ang insidente noong Disyembre 8 nang pigilan ng mga immigration officer ang 11 babae na makasakay ng eroplano sa NAIA Terminal 3 na patungo sanang Hong Kong.
Ayon kay Repizo, na naka-assign sa BI Border Control Operations, unang nagpakilala ang 11 biktima na mga “born-again Christian na may misyon na ipakalat ang kanilang pananampalataya.”
“Subalit inamin din nila kinalaunan na ang kanilang destinasyon ay sa Dubai, na roon sila kinuhang mga domestic helper,” dagdag ni Repizo.
Isang lalaki na pinaghihinalaang “courier” ng sindikato ang pinababa rin ng eroplano matapos mapag-alaman ng BI na siya ang tumatayong escort ng mga biktima.
Sinabi ni Theodore Pascual, BI Port Operations Division chief, na inilipat nila sa pangangalaga ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang 11 babae upang sumailalim sa imbestigasyon at paghahanda sa paghahain ng kaso laban sa recruiter ng mga biktima. (JUN RAMIREZ)