Hiniling ng mga petitioner, na kumokontra sa “No Bio, No Boto” policy ng Commission on Elections (Comelec), sa Korte Suprema na panatiliin ang temporary restraining order (TRO) laban sa kontrobersiyal na polisiya.

Una nang ibinasura ng Korte Suprema, dahil sa “lack of merit”, ang petisyon na humihiling na palawigin hanggang Enero 8, 2016 ang deadline ng voters’ registration period.

Nagtapos ang voters’ registration period noong Oktubre 31, 2015, ang itinakdang deadline ng Comelec.

Inaasahang tatalakayin ng kataas-taasang hukuman ang mga merito ng petisyon laban sa “No Bio, No Boto” policy sa special full court session sa Disyembre 16.

National

Magnitude 4.3 na lindol, tumama sa Davao Occidental

Sa isang manifestation, iginiit ng mga petitioner na “walang basehan at iresponsable” ang alegasyon ng Comelec na maaapektuhan ng TRO na inilabas ng Korte Suprema ang preparasyon na inilalatag ng poll body para sa halalan sa susunod na taon.

Inihirit din ng Comelec na posibleng maantala ang pagdaraos ng eleksiyon dahil apektado ng TRO ang isinasagawang preparasyon ng komisyon para rito.

Binatikos din ni Kabataan Party-list Rep. Terry Ridon ang argumento ng Comelec na puntirya ng “No Bio, No Boto” ang linisin ang listahan ng mga rehistradong botante ng mga flying voter.

Inihayag din ng mga petitioner na posibleng maitsapuwersa sa pagboto ang halos 2.5-milyong rehistradong botante na nabigong sumailalim sa biometrics data ng Comelec. (Rey G. Panaligan)