Ipinakita ng San Sebastian College ang kanilang intensiyong muling maibalik ang kampeonato sa kanilang base sa Recto nang kanilang igupo ang defending champion Arellano University, 25-23, 18-25, 25-23, 25-21, kahapon sa sagupaan ng mga lider ng women’s division ng NCAA Season 91 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Muling ipinamalas ni reigning MVP Grethcel Soltones ang kanyang natatanging lakas na naging susi upang tanghalin siyang MVP ng liga noong Season 90 matapos magtala ng season-high 33-puntos na kinabibilangan ng 31 hits at tig-isang block at ace.

Nakakuha naman siya ng suporta mula sa mga kakamping sina Joyce Sta. Rita, Dangie Encarnacion at Katherine Villegas na nagtala ng pinagsanib na 22-puntos.

Dahil sa panalo, umangat ang Lady Stags sa solong pamumuno hawak ang malinis na barahang 5-0, panalo-talo, habang bumagsak naman ang Lady Chiefs sa ikatlong puwesto kasunod ng pumapangalawang College of St. Benilde na may barahang 4-0 hawak ang kanilang 4-1, panalo-talong kartada.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagtala ng 14- puntos si Shirley Salamagos at 12- puntos naman kay Cristine Joy Rosario upang pamunuan ang losing cause ng Lady Chiefs.

“Yan ang lagi kong sinasabi sa kanya (Grethcel), kung gagamitin lang nya lahat ng mga natutunan niya sa kanyang exposure sa malalaking liga at sa international tournaments, talagang magdu-dominate sya dito sa NCAA,” pahayag ni San Sebastian coach Roger Gorayeb.

Sa iba pang laro, winalis naman ng Chiefs ang Stags sa kanilang salpukan sa men’s division, 25-19, 25-16, 25-19 sa pangunguna ni Lawrence del Espiritu na nagtala ng 17- puntos.

Gayundin ang ginawa ng junior squad ng Arellano na Braces na dinaig ang Staglets sa loob din ng tatlong sunod na sets, 25-18, 25-22, 26-24 sa pamumuno naman ni Jesus Valdez na nagtapos na may 15- puntos.

Dahil sa panalo, umangat ang Braves sa barahang 4-1, panalo-talo habang nalaglag naman ang Staglets sa patas na kartadang 2-2.

Para naman sa seniors division, nakaakyat ang Chiefs sa barahang 3-2, habang lumubog naman ang Stags sa ika-apat na pagkatalo kontra nag-iisang panalo. (MARIVIC AWITAN)