Grace Poe copy

Sa kabila ng kanselasyon ng kanyang certificate of candidacy (CoC) sa 2016 presidential elections, namayagpag pa rin si Sen. Grace Poe-Llamanzares sa isang mock election na isinagawa ng mga leader ng mga grupong maralita sa Quezon City.

Umani si Poe ng 58.3 porsiyento ng boto mula sa 48 leader ng urban poor na pinili siya bilang susunod na pangulo ng bansa sa isang mock election kahapon.

Pinangunahan ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), sinabi ng mga organizer na pinatutunayan ng mock election na malaking hamon ang isyu ng kahirapan sa bansa para sa naghahangad na maluklok sa Malacañang.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Ito ay isang hamon sa mga presidentiable,” pahayag ni Carlito Badion, secretary general ng Kadamay.

“Gusto naming makita na may mga plano sila para sa mga maralita hindi iyong ginagamit lang nila ang mahihirap sa eleksiyon. Ayaw namin ng lip service lang,” dagdag ni Badion.

Sumunod kay Poe si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, na nakakuha ng 14.6 na porsiyento ng kabuuang boto.

Pangatlo si Sen. Miriam Defensor-Santiago na umani ng 8.3 porsiyento, habang ikaapat si Vice President Jejomar Binay na may 6.2 porsiyento.

Nakakuha lamang ng dalawang porsiyento sa kabuuang boto ang pambato ng administrasyon na si Mar Roxas, habang 10.4 porsiyento ang “undecided.”

Binigyang diin ni Badion na ang mock election, na isinagawa sa unang pagkakataon, ay hindi kinomisyon ng ano mang grupo.

“Ginawa naming ito upang magsilbing babala sa mga presidentiable upang hindi kami pabayaan, lalo na sa isyu ng housing security para sa mga maralita,” ani Badion. (Betheena Kae Unite)