Maagang Kapaskuhan ang makakamit ng mahigit na 600 pambansang atleta matapos na ihayag ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission (POC-PSC) ang pagbibigay nito ng isang buwang bonus o 13th month pay sa isinagawa nitong Year-end Party.

Maliban sa matatanggap na christmas bonus, tatanggap din ang mga pambansang atleta ng tatlong libong dagdag na insentibo at limang libo sa mga coaches na across the board increase sa kanilang buwanang allowances simula sa Enero 2016.

Gayunman, sinabi ni PSC Executive Director Atty. Guillermo Iroy Jr., na isang libo lamang ang mapupuntang insentibo sa mga atleta habang tatlo naman sa mga coaches dahil ang dalawang libo ay mapupunta sa paglalaanang Trust Fund.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Iyung 2-thousand from that allowance will go to the Trust Fund, which aims to support the athletes in times of their needs or will serve as an insurance once they ended their tenure as a national athlete,” sabi ni Iroy Jr.

Ang isang pambansang atleta ay nakakatanggap ng kani-kanilang allowances base sa kanilang klasipikasyon mula sa PSC kung saan ang pinakamataas ay P40,000 para sa mga priority athletes. Ang mga coaches ay tumatanggap naman ng mahigit na P30,000 base rin sa kanilang klasipikasyon.

“Beginning next year, and every month thereafter, sisimulan ang pag-save nila sa trust fund which will serve as a time deposit o magiging lump sum na kanilang makukuha once nagdesisyon sila na magreretiro na o nawala na sila sa pagseserbisyo sa bansa,” sabi ni Iroy Jr.

Sa kasalukuyan, may mga kategorya sa listahan ng PSC bilang elite athletes o mga priority, ang national pool at developmental pool. (ANGIE OREDO)