ANG banta ng terorismo na ipinananakot ng mga radikal na grupong Islam ay naging sentro na ng kampanyahan para sa eleksiyon sa Amerika, matapos na umapela ang pangunahing Republican presidential candidate na si Donald Trump ng “total and complete shutdown on Muslims entering the United States until our country’s representatives can figure out what is going on.”
Tinukoy niya ang hindi inaasahang ginawa ng isang mag-asawang Muslim na nakatira sa San Bernardino, California, na bigla na lamang nagbitbit ng mga automatic weapon, inihabilin ang kanilang sanggol sa ina ng lalaki, at nagtungo sa holiday party ng county health department office ng lalaki, para pumatay ng 14 na katao matapos magpaulan ng bala.
Napaulat na ang mag-asawa ay tagasuporta ng teroristang grupong Islamic State sa Middle East.
Wala pang 24 na oras matapos ang pag-atake, iminungkahi ni Trump, na kilala sa mga prangka niyang pananaw sa mga pinakakontrobersiyal na usapin, ang pagbabawal sa mga migranteng Muslim—sa panahong naghahanda na ang gobyerno ng Amerika na tanggapin ang libu-libong refugee na tumakas mula sa digmaan sa Syria.
Walang ibang kandidato—Republican man o Democrat—ang sumuporta sa panawagan ni Trump. Sinabi ni President Barack Obama na ang pamamaslang sa California ay isang gawaing terorismo ngunit hindi ito “a war between America and Islam”. Ang mga Muslim ay biktima rin ng mga grupong ito, gaya ng mga Kristiyano, mga Hudyo, o mga Hindu, o mga Buddhist, ayon sa UN High Commission for Human Rights.
Ang ipinanukala ni Trump na blanket ban sa lahat ng Muslim na pumapasok sa Amerika ay nakikita ng mga Amerikano na taliwas sa paninindigan ng Amerika. Ang mga ginawa ng dalawang indibiduwal ay hindi maaaring isisi sa buong grupong kinabibilangan ng mga ito. Ang mungkahi ni Trump, ayon sa isang kapwa niya kandidato sa pagkapangulo, ay “not what the party stands for—more importantly, it is not what the country stands for.”
Sa sarili nating bansa, ang Pilipinas, nakikiisa tayo sa pagtutol sa pananaw na ang buong grupo ay maaaring sisihin sa ginawa ng isang indibiduwal. Idinedeklara ng ating Konstitusyon na, “the state values the dignity of every human person and guarantees full respect for human rights.”
Ang Pilipinas ay may malaking komunidad ng mga Muslim, na ang ilang miyembro ay nag-aklas na laban sa gobyerno sa hangad na magrebelde. Ngunit ang ginagawa ng mga grupong gaya ng Abu Sayyaf – na sinisisi sa napakaraming pagdukot—ay hindi isinisisi sa buong komunidad ng mga Muslim sa Pilipinas, dahil na rin sa prinsipyo ng demokrasya sa ating republika.
Hindi natin nakikitang makakakuha ng suporta ang panukalang ito ni Trump sa Amerika. Dapat na maresolba ang problema sa terorismo sa sarili nitong hangganan nang hindi naisasaalang-alang ang mga pangunahing prinsipyo ng demokrasya at karapatang pantao—isang paninindigan na patuloy na itataguyod ng Pilipinas.