NANAWAGAN si Rizal Gov. Nini Ynares sa mga taga-Rizal na makiisa sa pangangalaga sa ating kapaligiran at kalikasan upang kahit paano ay makatulong sa paglutas sa problema ngayon ng mundo—ang climate change na nabanggit sa idinaos na APEC Summit at tinalakay din sa isang pulong sa Paris, France, ng mga lider ng iba’t ibang bansa kabilang na ang pangulo ng Pilipinas. Higit sa lahat, ipinanawagan din ng ina ng lalawigan ang patuloy na tulong at suporta sa Ynares Eco System (YES) To Green Program, flagship project ng gobernadora, na inilunsad ng pamahalaang panglalawigan para sa environmental protection.
Ang panawagan ay ginawa ni Ynares nang maging panauhin siya sa pagsisindi ng mga ilaw ng recycled Christmas Tree sa 13 bayan at isang lungsod sa Rizal. Ang mga recycled Christmas Tree ay lahok ng bawat bayan sa “Inter-Town Recycled Christmas Tree and Town Hall Passage Decoration Contest”. Ang contest ay proyekto ng YES To Green Program at inilunsad nitong Nobyembre. Tuwing gabi, naglilibot si Ynares at ang YES team upang pangunahan, kasama ang mga mayor ng bawat bayan, ang pagsisindi ng mga ilaw ng recycled Chrismas Tree. Ang recycled Christmas Tree na may 25 talampakan ang tass ay nakatayo sa harap ng munisipyo ng bawat bayan, at ang magwawagi ay ihahayag sa unang Linggo ng Enero.
Ayon pa kay Ynares, “Kung tunay nating mahal ang ating mga anak, ang ating mga apo at ang susunod pang saling lahi, magkaisa tayo, magkapit-bisig, at magtulung-tulong tayo. Naniniwala ako na sa paraang ito, kahit paano ay makatutulong tayo. Kung tayo man ay nagkaroon ng kasalanan sa ating kalikasan, ito ang magandang pagkakataon upang tayo ay maging bahagi ng solusyon sa problema ng mundo—ang climate change. Ako’y umaasa na ang pagsisindi ng mga ilaw ng recycled Christmas Tree ang simula ng malawakang pagkilos upang ayusin ang pagtatapon ng mga basura. Huwag hayaang kumalat sa mga lansangan na kapag umulan ay bumabara sa mga kanal kaya ayaw tayong lisanin ng baha. Kapag naanod ang mga basura sa Laguna de Bay, tumataas ang tubig sa dagat at lalong lumalalim ang baha sa ilog.”
Sa huling bahagi ng panawagan ni Ynares, sinabi niya, “Minsan pa, ako ay nananawagan sa inyong lahat bilang Rizalenyo, hindi ko po kayang mag-isa ang gawain sa Ynares Eco System To Green Program Kahit na tumulong ang mga mayor sa lalawigan ay hindi kami magtatagumpay kung hindi n’yo kami susuportahan. Hindi namin ito makakaya kung hindi namin kayo kasama.”
Ang Ynares Eco System o YES To Green Program, na flagship project ni Ynares, ay binubuo ng paglilinis, pagtatanim ng mga puno, tamang waste management, disaster risk reduction management, environmental protection at tourism.
(CLEMEN BAUTISTA)