Hiniling ng pamilya ng isa sa dalawang nasawi sa pag-inom ng kontaminadong milk tea sa Department of Justice (DoJ) na baligtarin nito ang unang desisyon ng Manila Assistant City Prosecutor na nag-aabsuwelto sa nag-iisang suspek sa milk tea poisoning noong Abril 9.
Agosto 24 nang ibinasura ni Manila Assistant City Prosecutor Dennis Aguila ang kaso laban kay Lloyd Abrigo, anak ni William Abrigo na may-ari ng Ergo Cha milk tea shop sa Bustillos, Sampaloc, Manila.
Ang petisyon upang baligtarin ang desisyon ng prosekusyon ay inihain ng Manila Police District (MPD), ng pamilya ni Suzaine Dagohoy, ng boyfriend nitong si Arnold Aydalla, at ng mga tagapagmana ni William Abrigo.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na binili nina Dagohoy at Aydalla ang kanilang milk tea sa Ergo Cha dakong 11:00 ng umaga noong Abril 9. Napansin ni Aydalla ang masamang lasa ng kanyang inumin at hiniling kay Arnold na tikman ito bago nagreklamo kay William.
Matapos tikman ang milk tea, bumula ang bibig nina Dagohoy at William kaya isinugod ang mga ito sa Ospital ng Sampaloc, samantala nakaligtas naman sa pagkalason si Aydalla.
Ibinasura ng prosecutors’ office ang kaso laban kay Lloyd dahil walang matibay na ebidensiyang na magdidiin sa suspek na sinadya nitong lasunin ang mga customer.
“Respondent-appellee destroyed the crime scene with an intention to mislead police investigation. His acts are unusual for an innocent person to make. His acts cannot be considered a customary procedure,” nakasaad naman sa petisyon na inihain sa DoJ. (Rey G. Panaligan)