TANDAG CITY - Inaprubahan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang paglalaan ng P1.2-milyon pabuya sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon sa pumaslang sa bawat isa sa tatlong nabiktimang Lumad noong Setyembre 1, 2015.

Ito ang inihayag ni DILG Secretary Senen Mel Sarmiento nang bumisita siya sa Camp Rafael C. Rodriguez sa Butuan City noong Huwebes para sa turn over ceremony ng 50 bagong unit ng Mahindra Enforcer police patrol jeep para sa mga lokal na pamahalaan sa Surigao del Norte, Surigao del Sur at Agusan del Sur.

Samantala, sinabi ni Col. Isidro Purisima, commanding officer ng 402nd Infantry “Stinger” Brigade na nakabase dito, na tutulong ang militar sa Philippine National Police (PNP) sa pagtugis sa mga nasa likod ng pamamaslang sa mga Lumad, base sa Memorandum Circular No. 2015-136 ng National Police Commission (Napolcom).

Nakasaad sa memorandum, na may petsang Nobyembre 23, 2015, ang pangalan ng tatlong wanted personality na sina Bobby Tejero, Margarito Layno, at Loloy Tejero na itinuturing na mga suspek sa naturang krimen.

Probinsya

Bangkay ng isang lalaki natagpuang lumulutang sa ilog

Matatandaang brutal na pinaslang ng mga armadong lalaki sina Emerito Samarca, Dionel Campos, at Bello Sinzo na naging dahilan upang magsilikas ang mga Lumad mula sa Kilometer 16 ng Sitio Han-ayan, Barangay Diatagon, Lianga.

Nananatili ang nagsilikas sa Surigao del Sur Sports Center sa takot na madamay sa operasyon ng awtoridad laban sa mga suspek.

Lumitaw sa record ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 13 na aabot sa 574 na pamilya o katumbas ng 2,703 indibiduwal ang nananatili sa evacuation center at iba pang lugar upang makaiwas sa karahasan.

Aabot na rin sa P7.5 milyon ang halaga ng relief assistance na ibinigay sa nagsilikas, ayon kay DSWD-13 Regional Director Dr. Minda B. Brigoli. (MIKE U. CRISMUNDO)