Malugod na tinatanggap ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kagustuhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na makatulong sa pagmamantine sa lumalalang kondisyon ng trapiko sa Metro Manila, lalo ngayong nalalapit na ang Pasko.

Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, kinakailangan talaga nila ang lahat ng tulong upang maibsan ang malalang sitwasyon ng trapiko, na sinabing ang pagbabara sa kalsada ng mga sasakyan ay dulot ng holiday season.

Ang mas dumaming pribadong sasakyan ang isa pa sa mga dahilan na nagbunsod sa MMDA na limitahan ang pinadadaan sa mga pangunahin at sekundaryang kalsada.

Bawat araw, ang mga behikulo sa EDSA at iba pang mga pangunahing kalsada ay lubhang mabagal ang takbo dahil ang mga pribadong motorista at ang mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan ay nakikipagbuno sa espayo ng kalsada sa lahat ng direksiyon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Wala namang magawa sa sitwasyon ang mga motorista at commuters na naiipit sa trapiko.

Dahil dito, sinabi ni Carlos na wala munang gagawing re-blocking sa linggong ito upang gumaan-gaan ang bottleneck sa EDSA.

Binanggit pa ni Carlos na ang mga miyembro ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ay magkakaroon ng pag-uusap hinggil sa kagustuhan ng AFP na tumulong sa problemang trapiko.

Nais ng militar na magtalaga ng mga sundalo at mag-deploy ng mga military truck upang ayudahan ang PNP-HPG at MMDA sa paglilinis sa Mabuhay Lanes o iba pang alternatibong ruta patungo sa mga commercial destination sa kalakhang metropolis.

Sa ulat ng ahensiya, nabatid na ang traffic volume ay tumataas tuwing magpa-Pasko. At ito ay bunga ng dagsa ng pribadong behikulo na nagtutungo sa mga probinsiya, na lumalagpas ng halos tatlong beses sa 120,000 kapasidad ng EDSA kada oras. (Anna Liza Villas-Alavaren)