Naghugas-kamay ang Palasyo sa mga hakbang na idiskaril ang kandidatura ni Senator Grace Poe-Llamanzares sa pagkapangulo sa 2016 elections.

Ito ay matapos akusahan ni dating Sen. Richard Gordon ang administrasyong Aquino ng paggamit ng “shortcut” upang matiyak ang pagkapanalo ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas.

Iginiit ni Gordon, na kandidato sa pagkasenador sa 2016, na iniisa-isa ng administrasyon ang mga kalaban ni Roxas sa pagkapangulo, kabilang na dito ang patung-patong na kasong diskuwalipikasyon laban kay Poe sa Commission on Elections (Comelec).

Subalit sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigal Valte na walang kaugnayan ang administrasyong Aquino sa mga naghain ng petisyon sa Comelec upang madiskuwalipika si Poe sa isyu ng residency at citizenship nito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Hindi naman po kaalyado ng administrasyon si Kit Tatad, hindi naman po kaalyado ng administrasyon si Congressman Toby Tiangco na unang nagsiwalat, the first one who made that particular situation public,” pahayag ni Valte.

Sina Tatad at Tiangco ay kapwa kilalang malapit na kaibigan ni Vice President Jejomar Binay, kandidato sa pagkapangulo ng United Nationalist Alliance (UNA).

“The others, si Professor (Antonio) Contreras ng De La Salle University is a known Aquino critic, ‘di ba? I think si… wala ring relationship with… Atty. (Estrella) Elamparo, (who) I think, was formerly with GSIS and then eventually left, ‘di ba?” tanong ni Valte.

“So tingin ko malinaw naman, e, kung sino ‘yung mga taong ito. Mayroon silang kanilang mga dahilan at huwag na po natin ikonekta pa sa administrasyon kasi medyo hard sell po ‘yung ganoon,” dagdag ni Valte.

Nitong mga nakaraang araw, iniugnay ng katambal ni Poe sa 2016 elections na si Sen. Chiz Escudero si Elamparo kay Roxas dahil kasamahan umano nito ang dating kalihim sa isang law firm na pinangangasiwaan ni dating Defense Secretary Avelino “Nonong” Cruz, na abogado ng isang kandidato ng LP. (ELLSON A. QUISMORIO)