KAPANALIG, ang kuryente ay mahalagang serbisyo sa lahat ng kabahayan sa kahit saan mang parte ng mundo. Lalo na ngayon, sa panahon ng virtual connectivity at natural disasters, ang kuryente ay isa na sa mga batayang pangangailangan ng mamamayan.

Sa buong mundo, marami pa ring kabahayan ang walang access sa kuryente. Karamihan dito ay yaong nasa kanayunan. Ayon nga sa International Energy Agency (IEA), sa buong mundo, mahigit sa 1.3 bilyong katao ang walang access sa enerhiya. Mahigit pa sa 95% ng mga taong ito ay nasa sub-Saharan African o sa developing Asia, at 84% dito ay nasa mga kanayunan o rural areas.

Sa ating bansa, tinatayang nasa 21% ng ating populasyon ang walang access sa kuryente. Batay sa International Energy Outlook 2015 ng IEA, 21 milyong Pilipino ang walang kuryente. Ang national electrification rate natin, ayon sa ahensiya, ay 79%. Ang urban electrification rate naman natin ay nasa 94% habang 67% lamang ang rural electrification rate.

Malaking bagay ito, kapanalig, dahil ang kuryente ay isang mahalagang salik ng pag-unlad at seguridad ng kabahayan, pamayanan, lokalidad, at bayan. Ang kuryente ay isa sa mga requirement ng mga mamumuhunan, mapalokal man o internasyonal.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Malaking halaga ang kailangan upang mabigyan ng access sa kuryente ang lahat. Kakambal nito ang isyu ng sustainability. Ang paglalatag po kasi ng enerhiya sa lahat ay magtataas din ng demand para sa kuryente, na may mahalagang implikasyon sa kalikasan at imprastruktura.

Ang rural electrification ay isa mga pangunahing prayoridad ng pamahalaan, kahit noong mga nakaraang administrasyon.

Sa katunayan, maraming batas at polisiya ang nakalatag tungkol dito. Kaya nga lamang, laging bitin ang pagkilos dahil sa iba-ibang dahilan, gaya ng kalayuan o remoteness ng mga lugar, kakulangan sa budget, at conflicts o gulo sa ibang mga lugar.

Habang kulang pa ang access sa kuryente, isa sa ating maaaring matingnan ay renewable energy sources na maaaring magamit upang mabigyan ng kahit pang-ilaw man lang ang mga tahanan at pamayanan sa remote areas. Ang simpleng ilaw, kapanalig, na binabalewala natin sa maraming urban areas ay napakahalaga sa rural areas. Sa simpleng ilaw, maaaring magkaroon ng pagkakataon ang rural communities na mapalawak pa ang kanilang kabuhayan, at ang kanilang anak ay makapag-aral sa bahay na hindi kailangang habulin sa tuwina ang liwanag mula sa araw.

Ang simpleng access sa enerhiya, kapanalig, ay isa nang pagkilos tungo sa social justice. Ang kakulangan sa enerhiya, lalo sa remote areas, ay nagpapakita ng exclusivity para sa mga lugar na developed na. Kailangan din ng liwanag ng ating kababayan, kahit pa malayo sila sa sentro ng komersiyo. (Fr. Anton Pascual)