ONEC_MOA Arena_Pasay City_JunRyan_12dec2015 copy

Itinanghal na kauna-unahang One heavyweight champion si Filipino-American Brandon “The Truth” Vera matapos na talunin nito ang Taiwanese na si Paul “Typhoon” Cheng sa loob lamang ng 26 segundo sa ginanap na bout noong Biyernes ng gabi sa Mall of Asia (MOA) Arena.

Sinimulan ni Vera ang laban sa pamamagitan ng pagpapabagsak kay Cheng gamit ang kanyang left hook na sinundan pa ng isang high kick na tuluyang nagpabagsak sa Taiwanese.

Mula doon, pinaulanan na niya ito ng kanyang kamao upang makapuwersa ng stoppage. Ang laban ay inabot lamang ng 26 segundo.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Maraming salamat sa inyong lahat,” ang sabi ni Vera sa mga nanunuod. “Now, you have a heavyweight world champion.”

Magugunitang si Cheng ang pumalit sa dapat na kalaban ni Vera na si British giant Chi Lewis-Parry matapos na mabigo itong magsumite sa pamunuan ng One championship ng kanyang medical check up results.

Sa iba pang laban, ginulat naman ni Reece “Lightning” McLaren ng Queensland, Australia ang hometown crowd nang gapiin nito si Mark “Mugen” Striegl sa pamamagitan ng submission sa second round ng kanilang bantamweight contest.

Ginamit ni McLaren ang kanyang matitinding leg kicks na siyang nakapagpabagal sa galaw ni Striegl na sinikap namang gamitin ang kanyang pagiging bihasa sa wrestling na nakapagpabagsak kay McLaren.

Isang short right elbow na sinundan niya ng technical ground kick ang ginamit ni Striegl para pabagsakin si McLaren.

Gayunman, bigo siyang talunin ang Australian fighter na ini-locked siya sa pamamagitan ng mga braso nito ng patalikod sa final round para makamit ang panalo.

Wagi naman si Filipino striking specialist, Eugene Toquero kontra sa dating unbeaten na si Li Wei Bin ng China sa kanilang flyweight match.

Ginamit ni Toquero ang kanyang tanyag na unorthodox striking techniques sampu ng kanyang mga matitinding kumbinasyon upang mapahinto si Li na hindi na nakabalik sa round three.

Ipinahiya naman ni Irina Mazepa ng St. Petersburg, Russia ang dating women’s boxing world champion na si Ana “Hurricane” Julaton.

Hindi umubra si Julaton sa takedown defense ng Russian fighter na isang dating kickboxing standout. (MARIVIC AWITAN)